Abante Tonite Interactive

Save Lumad schools!

0 97

Una akong nakabisita sa isang paaralang Lumad noong Mayo 2014. Inimbitahan akong dumalo sa moving-up ceremony ng mga estudyanteng kinder at elementary ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. sa Sitio Km. 30, Barangay Dagohoy, sa Talaingod, Davao del Norte.

Napakalayo ng ­aming nilakbay. Dalawang oras na sakay sa habal-habal at isang oras na lakaran sa kabundukan upang marating namin ang paaralan – dalawang school building na nasa tuktok ng magkatabing burol.

Dalawang bagay ang tumimo sa aking kamalayan mula sa karanasang iyon. Una, namangha ako sa dami ng mga mag-aaral – mahigit 300 kabataang Manobo, kasama ng kanilang mga magulang, ang dumalo sa moving-up program. Kung wala ang Salugpongan school sa Sitio Km. 30, ganoon kara­ming batang Lumad ang mananatiling mangmang at walang edukasyon, dahil walang anumang public school na nakatayo sa lugar. Pangalawa, napahanga ako sa dedikasyon at sakripisyo ng mga volunteer teachers ng Salugpongan. Tinalikuran nila ang ginhawa ng buhay sa siyudad at nakipamuhay sa komunidad ng Lumad upang makapagbahagi ng kanilang kaalaman at kasanayan sa mga kabataang Manobo.

Related Posts

Idagdag pa rito ang banta ng dahas mula mismo sa mga armadong pwersa ng gubyerno. Sa mahigit 200 lumad school (tulad ng aking nabisita) sa buong Mindanao, higit sa 50 na ang sinara o napilitang magsara dahil sa walang-hum­pay na pandarahas, pananakot, okupasyon, at panggigipit ng militar at paramilitar.

Walang batayan ang paratang ng Ma­lakanyang, AFP, at PNP na “paaralan ng New People’s Army” ang mga Lumad school. May permit to ope­rate ang Salugpongan mula sa Department of Education at mahigpit na sinusunod nito ang kurikulum ng K to 12.

Kaya iligal ang sapilitang pagpapasara ng paaralan ng Salugpongan sa Sitio Dulyan, Barangay Palma Gil ng Talaingod noong Nobyembre 28 na isinagawa ng militar at grupong Alamara. Ito ang nagtulak sa mga guro at estudyante na lumikas pababa ng bundok upang mailayo ang mga sarili sa banta ng karahasan. Sila ang sinundo sa gilid ng highway sa kalagitnaan ng gabi ng National Solidarity Mission nina Ka Satur Ocampo at ACT Teachers Rep. France Castro upang dalhin sa relatibong kaligtasan ng Tagum City.

Sila ngayon ang inaresto, kinasuhan ng child abuse, at sasampahan pa umano ng kasong kidnapping. Kung sino ang mga sumaklolo at nagpakita ng tunay na pagmamalasakit sa kaligtasan ng kabataang Lumad, sila pang pinalalabas na kriminal. Garapalang binabaluktot ng administrasyong Duterte ang batas bilang sandata upang ikulong at patahimikin ang mga tagapagtanggol ng karapatan ng Lumad at mamamayan.