Abante Tonite Interactive

Sayang ang matitinong panukala

179

Kaye Dacer

Hindi nakalusot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang inihaing House Bill 2762 ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na pagdedeklara kina Jose Rizal at Andres Bonifacio bilang mga Pambansang Bayani.

Inihain ni Cong. Egay ang panukala para bigyang pagkilala ang dalawang tunay na bayani ng ating bansa at nagsilbing tagapagtanggol natin sa mga mananakop.

Kaya naman labis ang panghihinayang ng mambabatas sa inihain nitong panukala na hindi man lang sumampa sa committee level.

Bagama’t kinikilala nating bayani ay hindi pa rin maituturing na Pambansang Bayani sina Rizal at Bonifacio kung ligalidad ang pag-uusapan.

Hindi maiwasang ikumpara ng solon ang mas matinding panga­ngailangang maipasa ang kanyang panukala kumpara sa ibang inihain ng kanyang mga kabaro sa Kamara.

May punto ang solon dahil talaga namang monitor natin ang halos lahat ng pumapasang panukala sa Kamara.

Kung katinuan ang pag-uusapan, mas matino naman ang HB 2762 ni Cong. Egay kumpara sa mga pagpapalit ng pangalan ng kalsada at kung ano-ano pang istraktura na inihahain ng ilan diyan sa Kamara.

Ang hirap kasi sa ilan nating mga mambabatas hindi ang sustansiya ng panukala ang tinitingnan kundi ang naghain nito.

Kaya sorry ka na lang kung hindi ka kaalyado kahit matino ang mga panukalang iyong inihahain. Tama ba ang basa ko sa pangyayari Cong. Egay?
***
Sa kabilang banda pag-usapan natin ang karera sa pagpili ng susunod na PNP Chief dahil sa napipintong pagreretiro ni Director General Oscar Alba­yalde.
Isa nga sa matunog na contender ay itong si NCRPO Chief Guillermo Eleazar.
Pero alam n’yo bang hindi talaga ako makapaniwala sa dami ng nakakakilala at nagkakagusto sa opisyal na pumalit kay Gen. Albayalde?

Hindi lang mga taga-Metro Manila ang peg itong si Gen. Eleazar na maging PNP chief kundi maging mga taga-probinsya.

Type na type nila si Gen. Eleazar na ma­ging pinuno ng PNP sa sandaling magretiro si Gen. Albayalde dahil sa pagiging masipag umano nito at pagiging mabilis umaksyon.

Sabagay totoo kayo walang pinipili itong si Gen. Eleazar, mapa-sibilyan ka man o pulis basta sablay ka ay may kalalagyan ka.

Maraming beses na itong napatunayan dahil sandamakmak na mga tauhan ng kapulisan sa NCRPO ang nasibak matapos matuklasang sangkot sa kalokohan lalo na sa operasyon ng iligal na droga.

Ibig sabihin sakaling mapuwesto si Gen. Ele­azar na pinuno ng PNP mas matinding paglilinis sa mga scalawag ang magaganap at resulta nito ay mas ligtas na komunidad sa buong bansa.