Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sayaw ng Pag-ibig sa Sorsogon

0 468

​​Isang karangalan para sa bansang Pilipinas ang ibinigay ng mga anak ng Sorsogon.

​Nagsayaw ang 7,127 na katao sa pangunguna ng kanilang Gobernador, Francis “Chiz” Escudero at ng Unang Ginang ng Lalawigan, Love Marie “Heart” Evangelista Escudero ng “Pantomina sa Tinampo” sa loob ng limang-kilometrong kalsada sa loob ng tatlumpong minuto noong 31 Oktubre 2019. Dahil dito, ginawaran ang mga Sorsoganon ng karangalan ng Guinness World Records bilang pinakamalaking bilang ng mananayaw ng folk dance sa buong mundo!

​Sa ganitong paraan ipinagdiwang ng mga Sorsoganon ang kanilang ika-isandaan dalawampu’t limang taong pagkakatatag bilang isang lalawigan.

​Bagama’t mga estudyante, kawani ng pamahalaan at mga ordinaryong mamamayan ang nagsayaw ng Pantomina sa Tinampo, o Pantomina sa kalsada, hindi dapat makalimutan ang sinaunang ugat ng Pantomina.

SM food to go Banner Ad

​ Ang katawagang Pantomina ay nagmula sa salitang Espanyol para sa “pantomime,” o ang pag-papakahulugan ng mga bagay-bagay gamit ang pag-arte sa saliw ng musika. Ito ay sayaw pangkasalan na laganap sa Kabikulan na tinatawag ding sinalampati o sayaw ng mga kalapati. Ginagaya ng dalawang magsing-irog suot ng patadyong o barong tagalog ang galaw ng mga kalapati upang ipakita ang kanilang pagliligawan.

​Isang uri ng pantomina ang Pantomina de Sorsogon. Ayon kay Geri Matthew D. Carretero sa kanyang BA Art Studies thesis sa UP Diliman na “Village Dance in the City: The Transformation of Pantomina de Sorsogon in the Kasanggyahan Festival,” sinasabing ito ay sinasayaw pa sa panahon ng ating mga ninuno bago ang kolonyalismo tuwing kasalan at pinangungunahan ng mga sinaunang “parabulong” o espirituwal na pinuno. Patuloy itong isinagawa kahit sa pagdating ng Kristiyanismo ng mga mismong ikinakasal. Ipinapakita kung papaanong nagpapahabol ang babae sa lalaki habang pinapalibutan niya ito. Matapos nito ay mag-iiba ang bilis ng musika at galaw sa pagsagawa ng “saludo” sa pagtanggap ng babae sa lalaki. Susundan ito ng “engaño” kung saan iindak ang paa ng dalawa habang nakataas ang kanilang mga kamay na sa Kabikulan ay tinatawag na kunday. Minsang luluhod ang lalaki habang umiinom ng baso ng tuba. Bago bumalik sa batayang sayaw ng mga kalapati.

​Masasabing mula noon hanggang ngayon, ang Pantomina ay hindi lamang ekspresyon ng matinding suyuan kundi isang rituwal na nagbibigkis sa mga magkakamag-anak at sa pamayanan. Dahil habang nagsasayaw naman ang dalawang nag-iibigan, nagpapatalbugan naman ang mga lahat sa pagsasabit ng regalong pera sa damit ng mga ikinakasal.

​Ngunit mula sa sayaw ng panliligaw at pagdadamayan, noong 1994 lumawak ito tungo sa ekspresyon ng pag-ibig sa kapwa at pagkakaisa ng lalawigan, nang ito ay gawing bahagi ng Kasanggayahan Festival kung saan, ang mga mamamayan na ng Sorsogon ang nagpapantomina sa kalsada. Subalit, mag-iba man sa agos ng panahon ang anyo ng pagsasagawa ng sayaw, huwag sanang makalimutan ng mga Sorsoganon ang diwa ng Pantomina—Pag-ibig. Pag-ibig sa irog, pag-ibig sa kapwa, pag-ibig sa bayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.