Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Sayawan ang COVID-19’

0 559

Pinakikita ng datos na ibinabahagi ng Department of Health nitong mga nakaraang araw na muling dumarami ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 mula ng iatas ni Pang. Duterte ang pagluwag ng kuwarentina sa kalakhan ng bansa noong simula ng Hunyo. Nitong Linggo, inulat ng DOH ang 2,434 na kaso, ang pinakamataas na bilang na naitala mula ng magdeklara ng pandemya noong Marso. Kasalukuyang may 47,873 kaso ng COVID-19 sa buong bansa. Pumapangalawa na ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia sa bilang ng impeksyon, kasunod ng Indonesia na may 64,958.

Bagaman nagpataw ang administrasyong Duterte ng isa sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo, hindi nito nakamit ang nagawa ng ilang mga kapitbhay nating bansa, tulad ng Vietnam at Thailand, kung saan napigilan ang lokal na paglaganap ng coronavirus.

Matapos ang tatlong buwan ng lockdown, hindi pa rin napatutupad ng administrasyong Duterte ang mga susing hakbang ng testing, tracing, at isolation upang maputol ang mga “kadena ng paghawa” na nagdudulot ng pagdami ng bilang ng mga kaso. Hindi pa rin nakakamit ang target na 30,000 test kada araw. Hindi masinop ang contact tracing, at malamya ang pagpapatupad ng kuwarentina sa mga indibidwal na may exposure sa virus. Indikasyon ng nagpapatuloy na paglaganap sa komunidad ng virus ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kasa, na nasa 1,000 hanggang 2,000 kada araw. Lalo pa itong lalala habang patuloy na niluluwagan ng gubyerno ang mga restriksyon alang-alang sa pagbuhay-muli ng ekonomiya.

Iginigiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na “nananalo tayo laban sa COVID-19.” May pagpihit na rin sa mensahe ang Malacanang sa publiko. Sa harap ng kabiguang magpatupad ng epektibong programa kontra sa paglaganap ng virus, at pag-amin na hindi kakayanin ng ekonomiya ang pagbalik sa mas mahigpit na lockdown, dapat daw na matuto tayong “sayawan ang COVID-19.” Dapat umanong harapin ang banta ng COVID-19 habang pinapaganang muli ang ekonomiya.

Dagdag pa niya: “Habang hindi po namamatay ang tao, habang meron tayong kapasidad na magbigay ng medical na lunas sa mga nagkakasakit hindi ko po matatanggap na tayo’y hindi nananalo sa sakit na ito.”

Sa madaling sabi, tumataya ang Malacanang na kakakayanin ng sistemang pangkalusugan ng bansa na tanggapin at bigyan ng lunas ang papalaking bilang ng mga kaso ng COVID-19 na idudulot ng higit na pagbukas ng industriya, negosyo, at serbisyo.

Sa ganang akin, mahirap magtiwala na masasalo ng ating mga ospital ang bagong daluyong ng mga kaso ng COVID-19, lalupa’t sasabayan ito ng mga kaso ng trangkaso, dengue, tipus, at iba pang sakit na dati nang bumabaha sa mga emergency room at health center tuwing tag-ulan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.