Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Scammer gamit mga politiko inulan ng kaso

0 62

Ni Nancy Carvajal

Naglutangan sa National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit nitong Lunes ang iba pang nabiktima umano ng isang babaeng scammer na ginagamit ang pangalan ng ilang kongresista at senador para makapanloko.

Una nang nasakote sa entrapment operation ng NBI ang suspek na si Cristine Lagrisola matapos na isuplong ni House Deputy Speaker at 1Pacman party-list Rep. Mikee Romero sa NBI dahil sa pagpapanggap umano na staff niya para sa investment scam nito.

Ayon sa NBI, limang katao ang dumating sa kanilang tanggapan at naghain ng reklamo laban kay Lagrisola na basta na lamang umano nawala matapos na kulitin nila kung nasaan na ang kinita ng kanilang investment.

Batay umano sa mga nagreklamo, inalok pa sila ni Lagrisola ng 27% weekly interest para sa investment lending sa mga casino high roller, bukod pa sa investment umano para sa mga politiko, kabilang dito si Romero.

Sinabi ng mga nagreklamo sa NBI na umabot ng P88 milyon ang kanilang investment kay Lagrisola base na rin sa group chat ng mga nabiktima nito.

SM food to go Banner Ad

Si Lagrisola, 39-anyos, ay inaresto sa entrapment operation noong Biyernes sa utos ni NBI Director Eric Distor matapos ipagbigay-alam sa ahensiya ang mga iligal na aktibidad ng suspek.

Nabisto umano ang scam ng suspek nang pumunta ang isa niyang biktima sa tanggapan ni Romero at hinahanap si Lagrisola. Doon nalaman ng suspek na walang kapangalan ni Lagrisola na nagtatrabaho kay Romero.

Sinampahan si Lagrisola ng mga kasong estafa at paglabag sa Batas Pambansa 22 o Anti-Bouncing Checks Law sa piskalya at kasalukuyang nakakulong sa NBI.

Samantala, kabilang sa mga nasamsam kay Lagrisola ay ang calling card kung saan nakasaad umano na consultant siya ng isang Cong. Teodoro Montoro.

Leave A Reply

Your email address will not be published.