Abante Tonite Interactive

Scottie Thompson bagong alamat ng Ginebra

‘Di Sumusuko!

By
1,455

Si coach Tim Cone, nauubusan na ng pinakamatinding salita para i-describe si Scottie Thompson.

Sa sipag, sa tiyaga, sa angas ng laro, sa walang kapagurang paghabol sa rebounds – lahat nasabi na ni Cone tungkol sa kanyang guard na tubong Davao.

“I think from day 1 he joined our practice … I’m running out of superlatives to describe him,” pahayag ni Cone. “His will to win, his will to do whatever it takes, he’s out of the charts. I don’t know anybody like him.”

May kanya-kanyang approach sa laro daw ang kanyang players, tulad ng intensidad ni LA Tenorio na humahawa sa mga kakampi, ang kalmadong laro ni Justin Brownlee, at ang mautak na diskarte ni Joe Devance.

Pero iba ang atake ni Thompson na tunay na kumakatawan sa Never-Say-Die mantra ng Ginebra.

“Scottie brings us that intangible, just never-quit, never-give up, and he really, if anybody exemplifies that Never-Say-Die ­attitude. His energy is always there,” dagdag ni Cone.

Nasuklian ang sipag ni Thompson, itinanghal na Cignal-PBA Press Corps Finals MVP pagkatapos kalusin ng Ginebra ang San Miguel Beer, 4-2, sa Commissioner’s Cup Finals.

Sa title-clinching 93-77 win Miyerkoles ng gabi sa MOA Arena, nagsumite si Thompson ng 12 points, 13 rebounds at five assists.

Sa Game 5 noong Linggo, umiskor siya ng anim na sunod na puntos sa 9-0 finishing run ng Ginebra para itakbo ang 87-83 win at 3-2 series lead. Tumapos siya roon ng team-high 20 points at 11 rebounds.

Hindi katangkaran si Thompson sa taas na 6-foot-1, pero sa anim na panalo ng Ginebra sa series ay nag-average siya ng halos double-double na 11.5 points at 9.0 rebounds, 5.8 assists.

Ang fans daw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon, mas ginaganahan kapag naririnig ang sigawan ng fans kapag nakakahablot siya ng rebound.

“Iniisip ko ‘yung fans na galing pa ng malalayo na andiyan para sumuporta sa amin,” bulalas ng produkto ng Perpetual Help na si Thompson. “Inilagay ko ‘yun sa isip ko na umuutang pa sila ng pambili ng ticket para makanood lang sa championship.”