Abante Tonite Interactive

SCTEX magtataas ng singil sa Hunyo 14

232

Magtataas ng toll fee ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) simula Hunyo 14, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).

Para sa mga Class 1 o mga kotse, P20 ang dagdag sa toll sa mga bumabaybay mula Mabalacat City hanggang Tarlac, habang P32 naman ang dagdag para sa mga babiyahe sa pagitan ng Mabalacat at Tipo at Subic.

Sa mga Class 2 o mga maliliit na truck at bus, P40 ang dagdag mula Mabalacat hanggang Tarlac at P66 naman ang taas-presyo kapag babiyahe mula Mabalacat hanggang Tipo.

Dagdag na P60 ang mga truck o trailer o Class 3 na sasakyan kapag babiyahe sila mula Mabalacat hanggang Tarlac. Nasa P98 naman ang dagdag kapag babiyahe sila mula Mabalacat hanggang Tipo.

Ayon kay Bert Suansing ng TRB, 2011 pa nang ihain ang dagdag-singil na gagamitin sa maintenance works ng tollway.

Nauna nang nagpatupad ng toll hike ang NLEX noong Marso na aprubado ng TRB.