Abante Tonite Interactive

SEA Games damay sa kinasuhang PHISGOC official

By
0 112

Muling nakalasap ng matinding balakid ang paghahanda ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa 30th Southeast Asian Games matapos na masangkot ang itinalaga na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Executive Director Ramon ‘Tats’ Suzara sa hiwalay na kaso ng korapsiyon.

Si Suzara ay sinampahan ng kasong qualified theft sa Taguig City Regional Trial Court dahil sa paggamit sa P6.7 milyon na kabilang sa corporate funds ng Philippine Superliga, Inc. (PSL).

Maliban kay Suzara, na siyang presidente ng PSL, kasamang inireklamo sa paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code ang dating PSL corporate treasurer at finance director na si Donaldo Jose ‘Don’ Caringal.

Ang reklamo ay isinampa sa Taguig City Prosecutors’ Office at ipinadala ang isang kopya sa Department of Justice (DOJ). Ang PSL ay kinikilala bilang unang semi-professional corporate club volleyball league sa bansa.

Dahil sa kaso kay Suzara, agad itong kinausap Lunes ng umaga ni Philippine Sports Commission (PSC) William ‘Butch’ Ramirez dahil sa inookupahang importanteng posisyon sa PHISGOC na tanging organisasyon na magpapatakbo ng SEA Games sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Pinilit na makunan ng impormas­yon ang PSC gayundin si Ramirez hinggil sa kanilang pag-uusap subalit hindi muna nagbigay ng anumang pahayag.

Ang ahensiya ng gobyerno sa sports ay maglalatag ng pondo para sa pagho-host sa SEAG na ikaapat nang gagawin sa bansa sapul noong 1981.

Nakatakda pa lamang na masimulan ang lubusang paghahanda para sa palaro matapos ma-reenact ang badyet ng bansa na siyang pagkukunan ng pondo para sa kompetisyon.