Abante Tonite Interactive

SEA Games eSports, matutuloy ba?

168

Katatapos lamang ng isang planning workshop para sa lahat ng e-sports national federations na mga pinangunahan ng Philippine Southeast Asian Games E-Sports Union (PSEU), Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) at Asian Electronic Sports Federation (AESF).

Tumuon ang workshop na mapinalisa ang mga detalye, ang games structure at mechanics para sa pagsasagawa sa kauna-unahang pagkakataon ng eSports o pagiging regular medal event sa 30th SEA Games 2019 sa parating na Nob. 30-Dis. 16.

Gayunman, isang malaking katanungan na nananatiling bumabagabag sa mga opisyal ng sports sa bansa kung matutuloy ba ang pagsasagawa ng SEAG.

Ito ay dahil halos walong buwan na lamang ang nalalabi, pero wala pang kalinawan sa pagitan ng PHISGOC, Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) ang direksyon sa pagsasagawa nito sa ikaapat na beses sa bansa.

Iba’t ibang isyu na hindi natutugunan tulad sa makukuha at gagamiting pondo at sino ang aako sa responsibilidad sa ilalabas na badyet na posibleng hantungan ng pagkakaroon ng mga kaso ang patuloy na malaking kuwestiyon.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi malaman kung sino ang hahawak sa responsibilidad tulad na lamang sa mga kuwestiyon ng Commission on Audit ukol sa dapat na memorandum sa pagitan ng mga ahensiya upang mailabas ang mga gagamiting pondo ng pamahalaan na dadaan sa PHISGOC at POC.

Nakasalalay ang patimpalak sa tulong ng pamahalaan at paggabay ng PSC para sa gagamiting pondo. Pero malaking hadlang ang kawalan ng mga tao o personahe na siyang aako para sa “accountability” ng makukuhang suportang pinansiyal at maging sa ilalabas na budget.

Maganda ang hangarin na para masiguro ang tagumpay sa pagsasagawa ng eSports. Inimbitahan ng PSEU, PHISGOC at AESF ang mga eksperto at resource person para ipaalam ang technical aspects ng eSports.

Gayunman, isang malaking kuwestiyon pa rin kung matutuloy ang eSports lalo’t kundi nga maisasagawa ang kada dalawang taong kompetisyon para sa 11 bansa.
Atin po yang susubaybayan sa tatlong ahensiya sa sports.