Abante Tonite Interactive

SEA Games eSports tuloy

241

Isang malaking aktibidad ang magaganap sa komunidad ng electronic sports o eSports sa pagsasama-sama ng mga magagaling na manlalaro sa digital games o eGames para sa pagbuo sa pambansang koponang kakampanya sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Ito ang siniwalat sa inyong lingkod ng dalawang opisyales na itinalaga para pamunuan ang unang pagsasagawa ng eSports sa kada dalawang taong SEA Games.

Sila ay sina Alvin Juban at Joebert Yu.

Pinaliwanag ng dalawa, na magkakaroon ng tatlong araw na pagsasama-sama ang lahat ng mga koponan, atleta at team manager sa Agosto 29-31 sa okasyong tinawag na “National Pool Combine” upang makita ang pinakamahusay sa anim na digital game na paglalabanan.

“You can interview all the players, as well as the team managers of each team with regards to their plans, and might as well on the growing sports that is the eSports,” sabi ni Yu.

Tapos ang National Pool Combine ay saka pa lang malalaman sa Setyembre 8 ang magiging representante sa anim na larong paglalabanang eSport sa SEAG.
Isa ang eSports sa kabuuang 61 sports na mabibinyagang regular o medal sport na sa 11-nation, 12-day meet.

Tinalaga ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation, Inc. (PFI) ang kabubuong Philippine Southeast Asian Games Esports Union (PSEU) upang mag-organisa ng mga koponan at magpatakbo ng SEAG eSports na idaraos sa The Arena-San Juan City.

Pinaliwanag din ni Yu na dahil wala pang kinikilala ang eSports world governing body sa eSports, gagabayan sila ng Asean Electronic Sports Federation (AESF).

Ang PSEU ay pinagsanib na Esports National Association of the Philippines (ESNAP) at National Electronic Sports Federation of the Philippines (NESFP).

Paglalabanan sa SEAG eSports ang Dota 2, StarCraft II, Hearthstone, Arena of Valor, Mobile Legends: Bang Bang, at Tekken 7.