Abante Tonite Interactive

SEA Games iusog ng petsa — Romasanta

249

Isang araw matapos mapilitang magbitiw si Ricky Vargas sa puwesto bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC), ‘di nag-aksaya ng panahon ang pumalit na si Joey Romasanta.

Trabaho agad ang ika-11 pangu­lo ng POC, na nais masiguro na nasa tamang daan ang pagho-host ng bansa sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 10.

Inatasan ni Romasanta si da­ting POC secretary general Steve Hontiveros na magpatawag ng isang SEA Games Federation Council meeting upang ipaalam sa 10 iba pang miyembrong bansa ang bagong pangyayari sa paghahanda ng bansa sa kada-dalawang­ taong multi-sport meet.

Isa sa nais ipabatid sa mga delegado ang pag-usog sa SEA Games sa unang quarter ng susunod na taon.

Asam din ng POC na bawasan ang bilang ng events dahil ang kabuuang 56 sports ay lubhang mapanghamon lalo na mayroon na lamang na natitirang limang buwan para makapaghanda.

Sinabi niyang kailangang humanap ng solusyon kung paano makakausad sa biglaang pangyayari para sa paghahanda sa SEAG na tinuring niyang “mismanaged” dahil sa magulong legal issue na kinasangkutan ni Vargas.

Ito ay dahil ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation, Inc., sa pamumuno ni Taguig Congressman-elect Alan Peter Caye­tano ay nagsimulang gumalaw na walang POC board approval.

Kasama ang overpricing sa Asiac­ uniform na pang-Team Pilipinas sa SEAG, ilan ito sa mabibigat na isyu na nagtulak kay Vargas upang magbitiw sa puwesto nitong Martes. (Lito Oredo)