Abante Tonite Interactive

SEA Games special stamp nilunsad ng PHLPost

0 203

Naglabas ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng mga special stamp para sa pagdaraos ng ika-30 Southeast Asian Games (SEA Games) sa bansa.

Ginawa ang mga special stamp bilang pagbibigay-pugay sa mga atletang Pinoy at pag-alaala sa pagsisilbing host ng Pilipinas sa naturang pinakaaabangang aktibidad.

Nabatid sa PHLPost, simula nga­yong Lunes, Disyembre 2, magiging available na para sa publiko, kabilang na sa mga kolektor, ang mga naturang special stamp, souvenir sheet at official first day covers para sa SEA Games.

Tampok sa mga special stamp ang mga makukulay na item at SEA Games motto ngayong taon na “We Win as One” at apat na design ng sports discipline kabilang na ang weightlifting, badminton, cycling at billiards. Murang-mura lamang mabibili ang mga special stamp sa halagang P12.00 bawat isa.

Habang sa mga special limited edition naman ng souvenir sheet of stamp, makikita ang iba’t ibang imahe ng sports events, isang basketball player na nagpapakita ng popularidad ng naturang laro sa Pilipinas at ang makulay na mga kamay na magkahawak na nangangahulugan ng pagkakaisa para sa SEA Games.

Ang naturang special souvenir sheet ay mabibili sa presyong P67.00 lamang kada piraso.

Ayon sa PHLPost, ang kanilang in-house graphic artist na si Rodine Teo­doro ang nag-disenyo ng mga natu­rang SEA Games Stamp.

Nalaman na maliban sa Post Shop sa Manila Central Post Office, maaari ring mabili ang mga naturang special stamp sa Manila Central Post Office, sa lahat ng mga Mega Manila Post Office, at iba pang postal area sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nabatid na ang 30th SEA Games ay pormal nang binuksan sa bansa­ nitong Sabado, Nobyembre 30 at magtatapos sa Disyembre 11. ­(Juliet de Loza-Cudia)
SEA Games special stamp
nilunsad ng PHLPostSEA Games special stamp
nilunsad ng PHLPost