Abante Tonite Interactive

SEAG-bound Team PH na-boost sa sendoff

156

Ramdam na ramdam ang ­enerhiya ng mga atletang ­kakampanya sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa “Athletes Sendoff” Miyerkoles ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez, at siya ring Team Philippines Chef-de-Mission, sumaya ang mga atleta sa mga ipinamudmod sa kanilang premyo sa mga pa-raffle.

Pinasalamatan ni Ramirez ang mga legend athlete na nagbigay ng karangalan sa bansa dahil sa kanilang pagdalo sa pampalakas-loob sa mga atletang lalaban sa SEA Games sa darating na Nobyembre 30-Disyembre.

Sila ay sina dating Asia’s fastest woman Lydia de Vega-Mercado, four-time World Cup tenpin bowling champion Rafael Nepomuceno, first Asia’s Grandmaster Eugenio Torre, 1996 Atlanta Olympics boxing silver medalist Mansueto Velasco Jr., World Cup queen Olivia ‘Bong’ Coo at track legend Elma Muros-Posadas.

Nagkaroon din ng mga palaro at kantahan.

Nakisaya rin sina House Speaker Alan Peter Cayetano, na siyang chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee, at Philippine Olympic Committee President Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Nagbigay ng mensahe ang mga sports icon sa mga atleta mula sa 56 sports para muling makuha ang tagumpay na tinamasa ng bansa noon pang 2005 sa 11-nation, ­12-day sportsfest.

“Gawin ninyo lahat para makapagbigay ng karangalan sa bansa,” ani Muros-Posadas. (Elech Dawa)