Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Seaweed king inulan ng reklamo sa NLRC

0 103

Sandamukal na mga labor complaint ang isinampa ng tatlong dosenang manggagawa ng Accel Carrageenan laban sa pamunuan ng kompanya na pinamumunuan ng anak ng may-ari nito, si bilyonaryo seaweed king Wee Dee Ping.
Base sa dokumentong napasakamay ng Tonite, Nagreklamo ang 36 kawani, na pina­ngunahan ni Jason D. Omandam, sa National Labor Relations Commission (NLRC) sa Laguna noong Hunyo 9, laban sa pamunuan ng Accel, na pinangungunahan ni president Ritchie Wee.
Ayon sa mga empleyado ng Accel, hindi pa nila natatanggap ang kanilang mga suweldo mula Oktubre 2020. Banggit umano ng pamunuan, naghihintay ito sa bagong investor para magpasok ng pera sa kompanya, na isa sa pinakamalalaking producer ng carrageenan.
Bukod dito, hindi pa rin anila sila binibigyan ng kompanya ng kanilang sick leave pay, 13th month pay at separation pay.
Hindi rin daw nag­huhulog ang pamunuan ng kanilang mga kontribusyon sa Social Security System, Pag-IBIG at PhilHealth.
Sabi ng isang source na matapos matunugan ang reklamo, nagbigay ang pamunuan ng advance sa mga kawani pero binawasan naman ang work schedule ng mga ito nang mula anim patungong tatlong araw.
Binigyan ng NLRC conciliator-mediator ang Accel ng 30 araw para malutas ang isyu nito sa mga manggagawa bago nila iakyat ang reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Leave A Reply

Your email address will not be published.