Abante Tonite Interactive

SEC nagbabala sa 4 na investment kuno

524

Nagbababala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa apat pang grupong nangangalap ng mga investment sa publiko nang walang kinaukulang lisensiya at maaaring ikalugi ng maglalagay ng kanilang mga ipon dito.

Nagbabala ang SEC laban sa Give and Share E-Commerce Solutions Inc./Gase E-Commerce Solutions Inc.; Financing International Casino, Casino VIP Financing by Cathlyne Papasin at Fortune Dragon Casino Financing; Coindeoro Holdings Inc./Coin de Oro; at Payasian Solutions Pte. Limi­ted/Payasian PTE Limited Corp.

Inaalok ng Give And Share E-Commerce o GAS E-Commerce Solutions ang mga taong pumasok sa online business na ang capital ay P1,800 para sa membership fee. Sabi ng SEC, Marso 27, 2019 lamang nagrehistro ang Give and Share E-Commerce Solutions ngunit wala itong lisensiya para mag-alok o magbenta ng mga investment.

Ang alok naman ng Financing International Casino o Casino VIP Financing/Fortune Dragon Casino Financing ay interes na 5 hanggang 7% buwan-buwan sa minimum investment na P100,000 na may lock-in period na 12 buwan habang crypto currency naman kuno ang gimmick ng Coin de Oro na nangangako ng 5% na kita sa mga investment ng mga direct referral nito at 1% na kita sa mga indirect referral nito. May inaalok pa itong 50% na kita sa iiinvest ng mga direct referral nito sa Coin De Oro crypto currency. (Eileen Mencias)