Abante Tonite Interactive

SEC nagbabala sa kumakalat na fake news ng KAPA

204

Muling nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) nitong Lunes laban sa KAPA Community Ministry International Inc., lalo na sa mga maglalagay ng investment dito dahil epektibo pa rin ang cease-and-desist order (CDO) laban grupo at inuusig na ang mga opisyal nito sa mga korte.

Ayon sa SEC, may mga radio host at anchor na nagsasabing hindi na ire-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga opisina ng KAPA dahil nagparehistro na umano ito sa SEC bilang isang crowd funding entity.

Mariin itong pinabulaanan ng SEC at sinabing wala rin itong pending registration sa ilalim ng crowd funding circular ng komisyon.

“KAPA is not licensed to engage in crowd fundin­g,” sabi ng SEC.

Kinilala ng SEC ang mga radio anchor na sina Roger Abing Camingawan at Daniel Flash Villas na siyang tampok sa YouTube video na nagpapakalat umano ng kasinungalingan.

“The public is hereby warned to exercise caution in viewing these kinds of YouTube video posts as they have been found to contain false reports,” sabi ng SEC.

Dagdag pa ng komisyon, nilaglag na rin ng abogado ng KAPA ang mga anchor na nagsasabing tanging sina Rene Catubigan at Ronnie Garay lamang ang awtorisadong magsalita tungkol sa KAPA.

Paalala ng SEC, Pebrero 14, 2019 pa inisyu ang CDO laban sa KAPA at mga opisyal nito na pina­ngungunahan ni Joel Apolinario.

Naging permanente ang CDO at epektibo pa rin ito hanggang ngayon lalo na nang binawi na rin ng SEC ang certification of registration ng KAPA noong Abril 3, 2019. (Eileen Mencias)