Abante Tonite Interactive

SEC nagbabala sa pagbabalik ng KAPA

486

Naglabas ng ­babala ang Securities and ­Exchange Commission (SEC) sa Kapa-Community Ministry International na nagpapahiwatig sa social media na muling bubuhayin ito bilang KAPA Worldwide Ministry Association.

Sabi ng SEC, hindi rehistrado sa ­komisyon ang KAPA bilang ­corporation o bilang partnership at wala pa rin itong lisensiya para ­mag-solicit ng investments sa publiko.

Sabi ng SEC, hindi makakapagrehistro ang KAPA bilang corporation muli lalo na’t may ­history na ito ng panloloko ng mga investor at may nakahaing reklamong kriminal laban dito dahil sa panloloko sa mga tao.

Unang inirehistro sa SEC ang KAPA ­bilang non-stock corporation pero binawi ito ng SEC noong April 3 dahil nakakapinsala sa publiko ang panloloko nito. Ayon sa SEC, nagkakalap ng investment sa publiko ang KAPA ng walang lisensiya at pyramiding pa ang ­ginagawa nito kung saan ang kita na binibigay sa investor ay kinukuha lamang sa mga nahikayat na bagong investor.

Para makalusot, tina­tawag ng KAPA na “donation” ang binibigay sa kanila ng ­publiko na pinapangakuan nito ng 30% na interes kada buwan na siya namang tinatawag nitong ­‘blessing’ o ‘love gift.’

Bawal ang pyrami­ding o ponzi schemes dahil ikalulugi lang ito ng mga tao na mae­enganyong mag-invest sa pangako ng nakalululang interes pero ang kanilang kinukubra ay galing lamang sa mga investment ng mas bagong investor. Ang mga securities o investments ay dapat ding inirerehistro sa SEC at tanging ang mga may lisensiya lamang ang maaaring magbenta ng investments.

Kinasuhan na ng kriminal ang Kapa founder na si Joel Apolinario at ang trustee nitong si Margie Danao at Corporate Secretary na si Reyna Apolinario.

Nanawagan ang SEC sa sinumang may reklamo sa KAPA na ­dumulog sa ­Enforcement and Investor Protection ­Department nito sa PICC sa Pasay City o tumawag sa 02-818-6337 o 02-818-5324 . ­(Eileen Mencias)