Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Second dose at recovery hindi katumbas ng ‘immunity’ sa COVID

0 355

Unti-unti, ang tinaguriang ‘vaccine hesitancy’ pagdating sa Maynila ay nawawala na at sa halip ay napapalitan na ng tiwala o kumpiyansa, kasabay na din ng pagnanais na magkaroon ng proteksyon sa malala o nakamamatay na epekto ng COVID-19.

Habang isinusulat ang pitak na ito, malugod kong ibinabalita na mahigit na sa 395,000 katao ang nagpahayag ng interes na maka-benepisyo sa libreng bakuna, sa pamamagitan ng pagrerehistro sa manilacovid19vaccine.com.

Itong pre-registration system na ito ay aming inilunsad sa lungsod ng Maynila bago tumuntong ang alas-12 ng hatinggabi noong Disyembre 31 na nakalipas na taon, bilang pagsalubong sa taong 2021.

Kasunod nito ay nagsagawa kami ng sunod-sunod na ‘simulation exercises’ ng aming mass vaccination program at salamat kay Vice Mayor Honey Lacuna at kay Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan at sa mga director ng anim na ospital na pinatatakbo ng lungsod, inaani natin ngayon ang mga benepisyo ng nasabing pagpa-plano nang maaga.

Tuloy-tuloy ang pagpapaulan ng mga papuri at pasasalamat sa aming vaccinating teams at sa prosesong ginagamit at sa patuloy na pagbaha ng mga papuri sa social media sa maayos at mabilis na bakunahan, alam ko na tama ang daan na aming tinatahak at ito ay aming ipagpaptuloy hanggang sa maabot namin ang tinatawag na ‘herd immunity.’

Habang kami ay walang anumang sandaling inaaksaya sa pagbabakuna sa oras na dumapo ang bakuna sa lungsod mula sa national government —maraming salamat muli kina President Rodrigo Duterte, Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar and chief implementer of the National Task Force against COVID-19 Sec. Carlito Galvez, Jr.—kami ay patuloy at di magsasawang manawagan sa mga Batang Maynila na huwag palalagpasin ang pagkakataon na mabakunahan sa oras na ito ay dumating, dahil limitado lamang ang pagdating ng mga bakuna.

At habang tumataas ang bilang ng nababakunahan, lalo na yaong mga nakakuha na second dose o ‘fully vaccinated’ na, nais kong ipaalala sa kanila na maging responsableng mamamayan at huwag isipin na ang bakuna ay katumbas na din ng ‘immunity’ o di pagkakahawa sa COVID-19.

Gaya ng aking paulit-ulit na pagpapaliwagnag, ang mga bakuna ay nariyan para lamang tayo ay bigyan ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19. Maari ka pa ding mahawa kahit pa ikaw ay naka-dalawang doses na at ang tanging maaring asahan sa bakuna ay ang pagbibigay nito sa ating katawan ng kakayanan na labanan ang impeksyon nang sa gayon ay hindi mapunta sa ‘severe or critical condition’ na kung minsan ay nauuwi sa pagkamatay.

Gayundin sa kaso ng mga mapalad na gumaling matapos ma-infect ng coronavirus.
Ako ay umaapela sa kanila na ibahagi ang kanilang karanasan sa kanilang mga mahal sa buhay, mga kapamilya at kaibigan, nang sa gayon malaman nila at tandaan na totoo ang COVID at ito ay dapat na seryosohin.

Nananawagan din ako sa kanila na kahit kelan ay huwag isipin na dahil sila ay nagka-COVID na at gumaling na, sila ay ‘immune’ na o di na tatablang muli at maari nang umasta na akala mo ay walang pandemya.

Walang anumang pag-aaral o scientific proof o maging pahayag mula sa health experts na kapag ikaw ay naimpeksyon na ay hindi na ito maaring maulit pa. Sa katunayan, may mga nakaligtas sa unang impeksyon na pumanaw nang sila ay muling maimpeksyon.

Ako ay hindi nagsasawang magpa-alala dahil sa oras na magpabaya ang mga tao sa pag-iisip na sila ay di na muling maiimpeksyon at sila ay meron nang ‘antibodies’, may posibilidad talaga na muli silang makakuha ng virus.

Kapag ito ay nangyari, sila ay magiging ‘super spreaders’ at sa pagkakalat nila ng virus ay maari pa nilang mabiktima ang kanilang mga kasamahan sa bahay o tanggapan maging mga inosenteng tao na nakakahalubilo nila sa kanilang araw-araw na gawain.
Sa halip na isiping sila ay hindi tatablan, ang mga gumaling sa coronavirus ay maaring makatulong na maiiwas ang iba na maranasan ang hirap na kanilang pinagdaanan.
Mangyari pa, muli sana nilang balikan at pag-aralan kung paano at bakit sila nakakuha ng impeksyon upang epektibong makaiwas na ulitin ang naging pagkakamali at muling maimpeksyon.

Hinihimok ko sila na matuto sa kanilang karanasan at sa hirap na pinagdaanan sa paglaban sa COVID-19 sa loob ng di bababa sa 14 araw.

Sana ay gamitin nila ang pangalawang buhay nila sa pag-impluwensiya sa iba na patuloy na gawin ang minimum health protocols upang mailigtas nila ang kanilang sarili gayundin ang kanilang kapwa.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.