Abante Tonite Interactive

“Secret jail” ugat ng kakulangan sa pasilidad ng PNP

185

May kumakampi, may bumabatikos sa mga pulis na nasa likod ng nadiskubreng “secret cell” sa Station 1 ng Manila Police District (MPD).

Siyempre isa si PNP Chief Director Ronald Dela Rosa sa nagtatanggol at nakikipaglaban para sa kanyang mga tauhan na ginagawa umano ang kanilang trabaho at wala silang ginagawang kalokohan.

Kinwestyon ni Gen. Bato ang timing ng inspeksyon ng Commission on Human Rights (CHR). Ginawa kasi ng CHR ang inspeksyon ngayong idinadaos sa bansa ang ASEAN Summit.

Wala akong nakikitang koneksyon ng ASEAN Summit sa pangyayari, maliban na lamang kung idadahilan ng PNP na napuno ang kulungan sa dami ng inaresto sa kasagsagan ng anti-crimina­lity campaign ngayong ASEAN kaya may mga nakatabing mga pulis sa isang tagong selda.

Sa ganitong dahilan ay baka maintindihan pa sila ng taumbayan subalit sa panig ng kanilang mga kritiko ay hindi pa rin ito katanggap-tanggap.

Pero anuman ang katotohanan sa likod ng “secret jail” ay ipinauubaya na natin sa mga mag-iimbestiga.

Kaya huwag naman sana muna nating idikdik ang mga pulis. Hintayin natin ang kalalabasan ng imbestigasyon bago natin sila husgahan.

Kanya lamang sa ganang akin, ang senar­yong bumulaga sa ating lahat na napanood natin sa telebisyon hinggil sa kaawa-awang kalagayan ng mga bilanggo ay isang malinaw na problema sa kakapusan sa pasilidad ng mga presinto.

Mantakin ninyong isang kulungang pang-40 katao lamang ay pinagla­lagyan ng may 100-katao. Saan mo pa nga naman isasaksak ang iba pang dara­ting katulad ang kulungan sa Raxabago sa Maynila?

Kaya sana ay makita ng pamahalaan ang ma­laking problema sa mga kulungan at sa iba pang pasilidad sa mga himpilan ng pulisya upang maiwasan ang kahalintulad na mga pangyayari.

Para sa akin, hindi lang naman dagdag na pasilidad ang dapat na maging solusyon sa problemang ito kundi dapat ay sabayan ito ng mas mabilis na pagpoproseso ng mga kaso upang sa gayon ay walang mga preso o mga huli na tumatagal sa kulungan kung hindi naman talaga dapat makulong.

Higit sa lahat ay ipatupad nang naaayon sa batas ng mga awtoridad ang kanilang paghuli upang hindi sila napupulaan ng taumbayan.