Abante Tonite Interactive

Secretary ng mag-asawang doktor sa Calamba, tinodas

374

Patay ang isang babaeng medical secretary matapos na ito ay pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng kanyang minamanehong sport utility vehicle (SUV) sa Barangay Maya­pa, Calamba City, Laguna Linggo nang gabi.

Malapit lang sa pinangyarihan ng krimen ang San Jose Trauma Hospital and Medical Center kung kaya’t isinugod agad sa nasa­bing pagamutan ang biktimang si Arlene Saludo, 44-anyos, pero idineklara itong dead-on-arrival ng sumuring doktor dahil sa mga tina­mong tama ng bala sa kanyang leeg at braso.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang krimen dakong alas-6:30 nang gabi sa harapan ng nabanggit na ospital.

Inihatid umano ng biktima ang kanyang isang anak na lalaki na bumaba sa harap ng isang barber shop sa may bahagi ng Mayapa Road.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, nakitang duma­ting ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at huminto sa may likuran ng nakahintong Toyota Fortuner na minamaneho ng biktima.

Bumaba ang angkas at lumapit sa driver’s side ng SUV at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima.

Agad ding tumakas ang mga suspek na humarurot patungo sa direksyon ng Brgy. Batino.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Juliana Molina Cernero, wala naman silang alam na may nakakaaway ang kapatid.

Nilinaw din nito na hindi head nurse tulad ng mga naunang napaba­lita, kundi isang medi­cal secretary ng isang mag-asawang doktor sa Calamba Doctors’ Hospital ang kanyang kapatid.

Nabatid pa na ang dalawang anak lang ang kasama ng biktima sa bahay dahil nasa ibang bansa ang mister nito na isang seaman. (Ronilo Dagos/Edwin ­Ba­lasa)