Abante Tonite Interactive

Secretary tinira sa ulo

514

Pinaghahanap ngayon ng Marikina Police ang riding-in-tandem na bumaril sa ulo ng isang lalaking secretary habang bumibili ng almusal kamakalawa ng umaga sa Barangay Concepcion Uno.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang nasawing biktima na si David Estanislao y Joseph, 62, secretary ng Rusty Lopez at residente ng Marikina City.

Naganap ang insidente bandang alas-sais Martes ng umaga sa Mohawk St., St. Claire 1, Brgy. Concepcion Uno habang bumibili ng almusal ang biktima sa labas ng kanilang bahay nang lapitan ng dalawang lalaki na nakamotorsiklo.

Agad na tinutukan ng baril sa ulo at walang sabi-sabi na pinaputok na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima habang agad namang tumakas ang mga suspek.

Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang Marikina Police. (Vick Aquino)