Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Security Bank pasaway sa Bayanihan Law

0 18,393

Ni Eileen Mencias

Sinampahan ng kasong kriminal ng JRCD Subic Transport Corp. ang lahat ng 15 miyembro ng Board of Directors ng Security Bank Corporation na pag-aari ng pamilya Dy dahil sa paglabag diumano nito sa Bayanihan Law na nagbibigay ng palugit para sa pagbabayad ng utang.

Ang presidente ng JRCD Subic Transport Corp. na si Rolf Wiltschek ang nagsampa ng kaso laban kina Frederick Dy, chairman emeritus ng Security Bank; Alberto Villarosa, chairman; Anastasia Dy, vice chair; Cirilo Noel, vice chair; at ang mga director na sina Diana Aguilar, Hiroshi Masaki, Takashi Takeuchi, Alfonso Salcedo Jr., Napoleon Nazareno, Philip Ang, Gerard Brimo, Enrico Cruz, James JK Hung, Jikyeong Kang at ang presidenteng si Sanjiv Vohra.

Ang JRCD Subic Transport Corp. ay nagpapatakbo ng mga yellow tourist taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NNAIA). Matapos na mawalan ng biyahe ang mga eroplano dahil sa pandemya ay nagpetisyon ang kompanya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maging regular taxi na lang.

Nasa 30 sa 50 sasakyan ng JRCD Subic Transport ang naka-financing arrangement sa SBM Leasing Corp., isang subsidiary ng Security Bank.

Sabi ni Wiltschek, dalawa ang outstanding amortization ng kompanya noong panahon na iyon ngunit fully paid na ito.

Ayon kay Wiltschek, dumulog ang kompanya sa SBM Leasing para i-release ang orihinal na OR/CR ng sasakyan ngunit imbes na ibigay sa kanila ang dokumento, idineklara silang `in default’ na.

Nalaman na lang umano nila na tuloy-tuloy ang pagbawas ng Security Bank sa kanilang account kaya bumaba ito sa minimum balance hanggang sa nagnegatibo ang balanse kaya’t sinara na ng bangko ang account.

Itinanggi ng Security Bank na may utang ang JRCD sa bangko at agad sinagot ang reklamo ng transport firm sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

“The bank wishes to clarify that JRCD has no loan with Security Bank,” pahayag ng bangko.

Para umano mapangalagaan ang interes ng mga taong apektado, hindi na makapagbibigay pa ng karagdagang impormasyon ang Security Bank.

Sinampa ni Wiltschek ang reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Makati City noong Pebrero 4, 2021.

Ayon kay Wiltschek, hindi sumipot ang mga kinasuhan sa unang paghaharap sana nila at ipinagpaliban naman ang pangalawa dahil sa disinfection sa gusali. Naktakdang magharap muli sila bukas, Miyerkoles.

Dalawang beses dapat nabigyan ng grace period ang mga may utang sa bangko noong 2020 dahil sa Bayanihan 1 at 2 na kapwa nagbibigay ng 30-day grace period sa mga may utang na hindi dapat sinisingil ng karagdagang charges at interes.

Leave A Reply

Your email address will not be published.