Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Seguridad ng Pilipinas sa panahon ng pandemya

0 830

Mahigit limang buwan na rin ang nailalaan sa ating laban kontra Covid-19. Alam natin na sa puntong ito na wala pang bakuna, ang pinakamahalaga pa rin ay ang pagsagip ng buhay at ang pag iwas sa paglaganap pa ng nakamamatay na sakit na ito. Kaya naman, nararapat lamang na talagang maghigpit tayo at agresibo sa pagpapatupad ng ‘health protocols’ at ‘community quarantine’ upang hindi na gaanong kumalat ang virus sa ating lipunan.

Alam ito ng gobyerno, sa katunayan patuloy ang pagsisikap nito, sa pangunguna ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF, na humanap ng mga paraan at makabuo ng mga programa para sa kaligtasan ng bawat Pilipino. Hindi maipagkakaila na may magandang epekto ang pagpapatupad ng ‘community quarantine’ sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Ang klasipikasyon ng kwarantina ay naka-depende sa sitwasyon ng isang lugar o tinatawag na ‘granular’ approach.

Ang statement kamakailan ng Pangulong Duterte na patuloy na i-deploy ang ating kapulisan (PNP) at kung kinakailangan, pati ating mga sundalo (AFP) sa iba’t-ibang komunidad sa bansa ay ating suportado dahil ito’y mainam at epektibong hakbang upang masigurong sumusunod ang ating mga kababayan sa ‘community quarantine protocols’ sa kanilang lugar.

Bilang isang dating pulis mula sa Philippine Military Academy, alam ko at sigurado ako na maaasahan ang ating “state forces” sa pagpapatupad ng mga programa ng ating gobyerno. Ang PNP at AFP ay “well-organized” at “better equipped” pagdating sa pagpapatupad ng mga alituntunin katulad ng “community quarantine” kontra Covid-19. Nasabi natin ito dahil kahit saang sulong ng bansa, may pulis at sundalo naman talaga upang ipatupad ang peace and order sa iba’t ibang komunidad bago pa magkaroon ng pandemya.

Sa isang banda, kabilang naman ito sa mandato ng ating PNP at AFP, na masigurong ligtas ang ating mga kababayan sa lahat ng oras. Sa pagkakataong ito, totoo namang ang hindi nakikitang virus ang kalaban, hindi ang mamamayan. Sabi nga ng mga kritiko, ito ay isang medical problem. Sang ayon tayo, pero maaaring maiwasan at matalo kung mahigpit na susundin ang mga panuntunan ng pamahalaan. Hindi lang naman ang Pilipinas ang umaasa sa “state forces” sa pagpapatupad ng kwarantina, maging sa ibang mga bansa ay ginagawa na rin naman ito dahil nga maaasahan ang mga pulis at sundalo at madali rin silang i-deploy dahil nasa lokal na komunidad na sila at forte nila ang magpatupad ng mga batas.

Katulad sa iba pang mga desisyon ng ating gobyerno, marami pa rin ang kumokontra sa paggamit sa mga pulis at sundalo upang ipatupad ang ‘quarantine measures’. Militarisasyon daw, sigaw ng iba. Puro na lang kontra na wala namang maibigay na konkretong alternatibo para maresobla ang problema, kaya ang hamon ko sa kanila kaysa kumontra ay makiisa na lamang sa gobyerno at sama-sama nating labanan ang pandemya. Napakahalaga ng pagkakaisa lalo sa panahong ito na humaharap sa krisis pangkalusugan hindi lamang ang ating bansa kung di maging ang buong mundo.

SM food to go Banner Ad

****** ****** ****** ******

Isa pang isyu ng siguridad – talaga namang nakakabahala parin na sa panahon ng pandemya, talagang tuloy parin ang transaksyon ng iligal na droga. Nito lang Agosto, ilang milyong iligal na droga na naman ang nasabat ng mga awtoridad sa magkakaibang opersayon.

Nito lamang ika – 8 ng Agosto, mahigit 10,000 piraso ng Ecstacy na nagkakahalaga ng 17 milyong piso ang nasabat ng pinag sanib na pwersa ng PDEA, PNP at Bureau of Customs – Port of Clark habang nahuli naman ang limang suspek.

Kinabukasan, ika – 9 ng Agosto, nasabat ng pinagsanib na pwersa mula sa Clark Development Corporation-Public Safety Department, Mabalacat City Police at Regional Mobile Force Battalion 3 ang tinatayang 13 kilo ng marijuana sakay ng isang van sa Clarkfield, siyudad ng Mabalacat sa Pampanga. Ang naturang kontrabando ay tinatayang nagkakahalagang 13 milyon piso.

Noong ika – 14 ng Agosto naman, nahuli din sa entrapment ang limang suspek sa Mabalang, Lanao Del Sur kasama ang 13.6 milyong halaga ng shabu sa operasyon ng pinag sanib na pwersa ng PDEA-BARMM, 5th Marine Battalion ng Philippine Navy sa ilalim ng 1st Marine Brigade, at mga myembro ng Malabang municipal police office.

Kinabukasan naman, ika – 15 ng Agosto sa Mandaue City, Cebu, habang nagpapatrolya sa mga warehouse ng mga kompanya ng courier express, nasabat ng PDEA 7 sa tulong ng PNP ang 12 packs ng shabu na may bigat na 12 kilos at nagkakahala ng 81.6 milyong piso. Itinago ang mga ito sa 3 kahon ng LED lights.

Nakakagalit na sa panahon ng pandemya, ang mga halang ang sikmura, tuloy lang ang ligaya. Kaya naman bilang Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, tuloy lang din ang ating sigaw para sa death penalty for drug traffickers. At tuloy lang ang ating mandato sa taumbayan na gumagawa ng mga batas na magpapanatili ng kaligtasan at katahimikan ng bawat Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.