Abante Tonite Interactive

Seguridad sa mga quarantine facility pinahihigpitan ng Palasyo

0 262

Nais ng Malacañang na higpitan ang seguridad sa mga hotel kung saan naka-quarantine ang maraming umuwing overseas Filipino worker , matapos tumakas ang ilan sa mga ito na umano’y positibo sa coronavirus disease 2019.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos mabalitaan ang pagtakas ng ilang OFW na ang ilan sa mga ito ay positibo sa virus.

Sinabi ni Roque na hindi dapat na makompromiso ang kaligtasan ng pamilya ng mga nagpositibong OFW kaya dapat dagdagan ang seguridad o nagbabantay sa mga quarantine facility na pinagdalhan sa mga umuwing manggagawa mula sa ibang bansa.

“Dapat dinagdagan ang security doon sa mga hotels na ginagamit as quarantine facilities,” ani Roque.

Mayroon na aniyang nahanap sa mga tumakas na OFW at nasa kustodiya na ito ng mga otoridad habang patuloy na hinahanap ang iba para ma-test at magamot.

“Patuloy ang paghahanap sa iba, ito naman ay para sa kanilang kalusugan din at kalusugan ng kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag ni Roque.

Ilan sa mga naka-quarantine na OFWs ay nagrereklamo dahil sa mabagal na paglabas ng resulta ng kanilang COVID test at lampas na umano sila sa 14 days quarantine kaya ang iba ay tumatakas na at hindi na hinintay ang resulta ng kanilang test.

Tonite – Wendys Inhouse Ad