Abante Tonite Interactive

Seguridad sa University Belt hihigpitan pa ng Manila Police

By
0 166

Maghihigpit ng seguridad ang Manila Police District (MPD) sa paligid ng University of Santo Tomas sa Sampaloc, Maynila kasunod na rin ng insidente ng panghoholdap sa dalawang estudyante nito sa España Boulevard kamakailan.

Bukod sa nasabing insidente, may nag-post din kasi sa social media na pinag-iingat ang mga estudyante ng UST.

“Thomasians, please be careful. Espacially the ones studying outside this late. Multiple happenings around ust: kidnap san oval, saksakan sa españa and dapitan,” ayon sa post ng isang netizen.

Bagama’t mariing itinanggi ni Philipp Ines ng University Belt Area Police Community Precinct ng MPD ang naturang impormasyon, inihayag nito na magdadagdag sila ng mga pulis na magbabantay sa paligid ng UST.

Nanawagan din ito sa publiko na manatiling mapagmanman sa mga indibiduwal na kahina-hinala ang kilos at i-report agad ito sa Patrol 911.

Tiniyak din ni MPD director Sr. Supt. Vicente Danao Jr. na paiigtingin pa ang anti-criminality campaign sa mga lugar na malapit sa mga unibersidad sa Maynila.
Samantala, tatong suspek sa panghoholdap sa isang estud­yante sa España ang naaresto ng mga pulis.

Nasa kustodiya ngayon ng MPD-Station 4 ang mga suspek na kinilalang sina Mark Milson, 28-anyos; Alvin Ramos, 23; at Alberto Mendoza Jr., 37, matapos masakote sa follow-up ope­ration ng mga tauhan ni Supt. Roberto Domingo makaraang humingi ng tulong ang mga biktimang sina Rey Ecaranum at Mary Rocelle Joyce Alvarico.