Abante Tonite Interactive

Sekyu sabog ang bungo sa sariling baril

196

Sabog ang bungo ng isang security guard matapos pumutok ang nilalaro nitong baril sa harap ng kanyang mga katrabaho sa isang hotel sa Batangas City Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jorney Ugmad, 21-anyos, tubong Valenzuela City at security guard ng Dreaming Forest hotel na nasa Brgy. Libjo, Batangas City.

Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente alas-6:30 ng gabi habang ipinagyayabang ng biktima ang kanyang 9mm na baril sa dalawang roomboy ng hotel.

Ayon sa dalawang roomboy, tinanggal umano ng sekyu ang magazine at mga bala saka itinutok ang baril sa ulo at kinala­bit.

Subalit laking gulat umano ng mga ito nang pumutok ang baril at bumulagta ang biktima dahil sa tama sa sentido.

Hindi na naisugod pa sa ospital ang biktima na namatay noon din.
Ayon sa mga imbestigador ng Batangas City police, posibleng may ‘tangay’ umano ang baril na hindi natanggal kahit inalis ang magazine na hindi rin napansin ng biktima. (Ronilo Dagos)