Abante Tonite Interactive

Sekyu vs sekyu, 1 bumulagta

By
10

Awayan sa oras sa trabaho ang tinitingnang sanhi ng pagtatalo ng dalawang security guard na ikinasawi ng isa rito nang pagbabarilin ng tumakas na kabaro nito kamakalawa sa Marikina City.

Sa report na natanggap mula sa tanggapan ni Supt. Romulo Sapitula, Eastern Police District (EPD) director, nakilala ang biktima na si Randy Santos y Sevilla, nasa hustong gulang at residente ng Tambakan Pagray, Antipolo City.

Target ngayon ng manhunt operation ng Marikina-PNP ang suspek na si Jay Jalapadan, ng PSS Lacolina Santan St., Fortune, Marikina City.

Batay sa report, naganap ang pamamaril bandang alas-8:10 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Eco Vill St., Fortune, sa lungsod.

Ayon sa mga nakasaksi, palagi nilang nakikita na nagtatalo ang dalawa dahil sa oras ng pagdu-duty na kadalasan umanong nahuhuli ng pasok ang suspek hanggang sa magkainitan na sila, nagkasigawan at natuloy pa sa panunutok ng baril ng suspek.

Nabatid na napuno na sa galit ang suspek dahil sa patuloy na pang-aasar ng biktima kaya nagawa na nitong iputok ang baril nang ilang ulit sa kasamahan.

Agad na tumakas ang suspek dala ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril. Kasalukuyang nagsasagawa na ng follow up/manhunt operation ang mga awtoridad para papanagutin ang suspek.