Abante Tonite Interactive

Selective lockdown kinakasa ng task force

500

Pinag-iisipan ng Iner-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang posibleng pagpapatupad ng selective lockdown sa Luzon.

Ibinunyag ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Carlito Galvez Jr. na posibleng ikasa ng pamahalaan ang selective lockdown matapos magbigay ng babala ang mga negosyante na hindi kakayanin ng ekonomiya ng bansa ang ilang linggong walang paggalaw sa iba’t ibang negosyo.

Si Galvez ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang `chief implementer’ ng national policy hinggil sa kinakaharap na public health emergency dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis

Naniniwala din ang administrasyon na makakasira sa ekonomiya sakaling palawigin pa ang enhanced community quarantine sa Luzon na magtatapos sa Abril 14.

Ayon naman kay Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, magsasagawa ang gobyerno ng modified community quarantine kapag natapos na ang lockdown sa buong Luzon.

Ibig sabihin ay papayagan na ulit ang ibang negosyo na mag-operate, aalisin ang mga checkpoint, at magtatalaga ng mga transportasyon para sa mga manggagawa ng pabrika o ilang pamilihan.

Ang mga nasabing panukala ay mula sa notes sa video conference meeting ng IATF-EID tulad nina Hans Sy ng SM Group, Ayala Group ni Jaime Augusto Zobel de Ayala, Joey Concepcion ng RFM Corporation, Lance Gokongwei ng JG Summit, Kevin Tan ng Megaworld, at Mike Tan ng LT Group, na binahagi ng dating Presidential Communications Undersecretary Manolo Quezon.

Sa modified community quarantine, sinabi ni Nograles na ihihiwalay ang mga senior citizen, buntis at mga walang trabaho.

Ang nasa 35,000 namang mga person under monitoring (PUM) at mga person under investigation (PUI) ay ilalagay sa mga hotel, habang ang mga COVID-19 positive na mild ang kaso ay ilalagay sa mga coliseum na ginawang health center, at ang mga severe case ay papayagan sa ospital. (Ray Mark Patriarca)

Tonite – Wendys Inhouse Ad