Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Selosang aktres nega sa pamilya ng dyowa

0 1,471

Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin isandaang porsiyentong tanggap ng pamilya ng isang young actor ang kanyang girlfriend na young actress.

Hindi nagsasalita ang pamilya ng guwapong aktor, walang nariirinig na anuman mula sa kanila, pero alam ng mga kaibigan ng pamilya ng aktor na hindi boto ang mga ito sa kanyang girlfriend.

Kuwento ng aming source, “Hindi naman sila ang karelasyon ng girl, ang young actor naman, totoo ‘yun. Pero siyempre, may karapatan din naman ang pamilya ng guy na magpakatotoo tungkol sa lovelife ng family member nila.

“Naunahan kasi ng kanegahan ang girl, may mga nangyari nu’n na siya ang dahilan, kaya parang bumigat ang dating niya sa family ng young actor. Siyempre, ayaw naman nilang magsisi sa bandang huli ang male personality, di ba?” unang sultada ng aming source.

Nakararating din sa pamilya ng young actor ang mga kuwento tungkol sa kakaibang ugali ng young actress. Palagi itong naba-blind item na may sariling mundo at sobrang selosa.

“‘Yung mga ganu’ng kuwento, napakaliit ng mundo ng showbiz para hindi makarating sa family ng young actor. Alam nila ang pagiging sumpungin ng babae, meron siyang matinding mood swing.

“Natural, ayaw nilang mamroblema ang kapamilya nila, maayos na lovelife ang pinapangarap nila para sa male personality. Makakaapekto kasi sa guy ang kakaibang ugali ng girl,” dagdag na impormasyon pa ng aming source.

May ibang babae palang nagugustuhan ang pamilya ng young actor para sa kanya, pero iba nga ang kaway ng pag-ibig, kung sino ang mahal ng may katawan ay hindi ‘yun puwedeng kontrolin ng kahit sino.

Pagtatapos ng aming source, “Walang ibang puwedeng gawin ng pamilya ng boyfriend niya kundi ang patunayan na hindi siya katulad ng mga kuwentong nakararating sa pamilya ng guy.

“Kailangan niyang mag-effort, hindi puwedeng ang guy lang ang may gusto sa kanya, hindi ulila ang boyfriend niya, may pamilya!”

At nagpaka-grade one pa ang source sa kanyang pahabol, “A, e, i, o, u. Ba, be, bi, bo, bu. Ka, ke, ki, ko, ku. Ra, re, ri, ro, ru!”

‘Yun na!

Willie tumanggi na produ ni Kris

Gusto naming maging malinaw ang kuwento tungkol sa pagbabalik-telebisyon ni Kris Aquino kaya diretso na naming tinanong si Willie Revillame kung totoo bang siya ang magpoprodyus ng talk show ni Kris?

Gulat na gulat si Willie, wala raw siyang alam du’n, wala raw silang pinag-uusapan ng team ni Kris na siya ang magpoprodyus ng talk show nito.

“Magandang makabalik na talaga si Kris, ang tagal na niyang wala sa circulation, it’s about time na mag-TV na uli siya.

“Pero hindi ko alam ang mga nangyayari, hindi ko alam ‘yun, hindi ako ang producer ni Kris,” paglilinaw ng aktor-TV host.

Totoong tinutulungan niya si Kris nu’ng una para sana magkaroon ito ng programa sa GMA-7, pero hindi naman siya ang may-ari ng istasyon, talent lang din siya ng network.

Gaano man niya kagustong tulungan ang kanyang kaibigan para makabalik na sa gitna ng aksiyon ay hanggang sa pagrerekomenda lang naman ang kanyang magagawa.

Lahat ng paraan ay ginawa na ni Willie, lahat ng tulong na alam niya ay ibinahagi na niya kay Kris, pero tama siya na hanggang du’n lang talaga ang kanyang magagawa.

Malinaw, hindi si Willie Revillame ang prodyuser ng pagbabalik-TV-talk show ni Kris Aquino, wala siyang alam tungkol du’n.

Leave A Reply

Your email address will not be published.