Abante Tonite Interactive

Selosong ex tinodas ng negosyanteng babae

472

Dahil sa selos, nasawi ang isang 40-anyos na lalaki nang barilin ng dating live-in partner matapos saksakin ng huli ang pinagseselosang driver sa Imus City, Cavite.

Dead on-the-spot si Roderick Linazan, binata, driver ng Green State Subd., Brgy. Malagasang 1F, Imus City, Cavite dahil sa tama ng bala habang ginagamot sa Ospital ng Imus si Rolly Ayop, 32, may-asawa, ng Green Valley Subd. Brgy San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite dahil sa tinamong saksak mula kay Linazan.

Arestado naman si Mary, 34, may-asawa, isang negosyante, ng B23, L21, Phase 2, Green State Subd., Brgy. Malagasang 1F, Imus City.

Sa ulat ni PSMSg. Ronaldo Orozco, ng Imus City Police Station, alas-10:10 kamakalawa ng umaga nang maganap ang insidente sa bahay ng suspek kung saan sumugod umano si Roderick nang malamang may kasamang lalaki sa loob.
Sinita ni Linazan si Ayop na humantong sa pambubugbog at pananaksak dito.
Lumabas naman ng kuwarto ang suspek nang narinig ang komosyon, kinuha ang kanyang baril at kinompronta ang dating live-in partner at pinaputukan na ikinamatay nito.

Ayon kay Orozco, seloso umano si Linazan at ito rin ang dahilan kung bakit naghiwalay sila ni Mary, may apat na buwan na ang nakakaraan bagama’t biniyayaan sila ng isang anak.

Dagdag pa ni Orozco, kapapasok lamang ni Ayop bilang driver ng suspek. (Gene Adsuara)