Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Selosong mister tinumba sa walwalan

0 480

Palaisipan ngayon sa pulisya kung sino ang bumaril at nakapatay sa isang lalaki na nakipag-away muna sa kanyang misis bago lumabas ng bahay sa Calauan, Laguna.

Isang lagpasang tama sa kaliwang bahagi ng ulo ang ikinamatay ng biktimang si Gerardo Dela Cruz, nasa 35-anyos, taga-Sitio Kasaka Hardinan Barangay Lamot 2.

Sa imbestigasyon ng Calauan police, alas-11:00 Biyernes ng gabi nang i-report ng kapatid ng biktima na si Felipe Dela Cruz na may bumaril sa kapatid habang sila ay nag-iinuman kasama ang tiyo nilang si Gelom Dela Cruz sa loob ng kanilang bahay. Nangyari umano ang pagbaril alas-8:45 ng gabi.

Ayon kay Felipe, sumali aniya ang kaniyang kapatid sa kanilang inuman matapos mag-away ang biktima at kabiyak sa kanilang bahay nasa 30 metro lamang ang layo.

Bigla na lang umanong may pumutok mula kung saan at bumulagta ang biktima.

Pero ayon kay PSSg Mervin Bondad, imbestigador, nang dumating sila sa crime scene, natuklasan na wala na sa orihinal na pwesto ang bangkay at nalinis na rin ang pinag-inuman.

Lumitaw din na selos ang dahilan nang pinag-awayan ng mag-asawa matapos maghinala ang biktima na may relasyon ang kapatid at ang kanyang misis.

Patuloy pa ang imbestigasyon at pinag-aaralan ng pulisya ang ibat-ibang anggulo hinggil sa insidente. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.