Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Selyo ng ‘Pasko 2021’ inilunsad

0 239

Inilunsad ng Philippine Postal Corporation (Post Office) ang “Pasko 2021” postage stamps kasabay ng maningning na gabi ng pagtatanghal, handog ng pamosong Philippine Philharmonic Orchestra sa makasaysayang gusali ng Manila Central Post Office kamakailan.

Tampok ang temang “Paskong Pilipino”, inilalarawan sa selyo ang mensahe ng parol na nagbibigay liwanag at komukonekta sa sama-samang selebrasyon ng pamilya, magkakaibigan, magkalapit o magkalayo daman-dama pa rin ng bawat isa ang Pasko.

Makikita sa selyo ang mga makukulay na parol hudyat na eto ng simula ng masaya at sama-samang pagdiriwang ng Paskong Pinoy.

Ayon kay Postmaster General Norman Fulgencio, “ang mga karanasan sa nagdaang sakuna o trahedya ang ngsilbing lakas at gabay upang lumago, tumibay at mapanatili ang ating pananampalataya sa Diyos”.

Hinarana ng Philippine Philharmonic Orchestra ang mga Manileno sa libreng konsiyertong inihandog ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

SM food to go Banner Ad

Ipinakita dito ang pagtugtog ng iba’t ibang kantang pamasko at mga awiting pinasikat ng mga lokal at internasyunal na mang-aawit sa kumpas ng baton ni Maestro Herminigildo Ranera. Pinamalas din ang galing ng pinakabatang sopranong si Alexa Kaufman at ang The Nightingales. Ang aktres na si Issa Litton ang naging host ng espesyal na konsiyertong pinamagatang “PPO@PPO” .

Nagpasalamat si Postmaster General Fulgencio sa Office of the President sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kay Direk Arsenio “Nick” Lizaso, Pangulo ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at chairperson ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa kanyang adhikain na maitampok ang konsiyerto sa makasaysayang gusali ng post office upang patuloy na maitampok ang mga programang pangkultura at sining. Ang Post Office, NCCA at CCP ay pare- parehas na nasa ilalim ng Office of the President.

Ang gusali ng post office ay idineklarang mahalagang yamang pangkalinangan ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Ayon kay Postmaster General Fulgencio, “ang makasaysayang gusali na ito ang magsisilbing backdrop upang mas lalong mapahalagahan ang talento ng mga Pilipino na siyang tunay na kayamanan ng bansa”.

Idinesenyo ni in-house graphic designer Ryman Dominic Albuladora, ang mga “Christmas Stamps”, Souvenir Sheets at First day cover envelope ay mabibili sa Manila Central Post Office Postshop sa Liwasang Bonifacio. (Mina Navarro)

Leave A Reply

Your email address will not be published.