Abante Tonite Interactive

Semana Santa ipagdiriwang online dahil sa lockdown!

588

Dahil sa umiiral na Luzon lockdown, kanselado pa rin ang mga Misa sa mga Simbahan ngayong Semana Santa. ‘Online Mass’ ang nakitang solusyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) upang gunitain at masubaybayan pa rin ng mga mananampalataya ang pinakabanal na linggo ng taon para sa mga Kristiyano.

Ang Misa sa Linggo ng Palaspas ay nakatakdang idaos ngayong araw sa pamamagitan ng livestreaming sa Internet na maaaring subaybayan ng mga Katoliko. Nauna nang sinabi ng CBCP na kahit mga sanga o dahon ng halaman sa bahay ay maaaring gamitin sa paggunita ng Palm Sunday o opisyal na simula ng mga Mahal na Araw.

Dahil sa banta ng kumakalat na coronavirus, magiging kakaiba ang pagdiriwang ng mga Kristiyano sa buong mundo ng Holy Week; ‘di pangkaraniwan ang selebrasyong ng ‘Paschal Triduum’ o tatlong huling araw ng Semana Santa bilang paghahanda sa maluwalhating Pista ng Muling Pagkabuhay ni HesuKristo ngayong taon.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang pagdiriwang ng mga ‘misteryo’ na bumubuo sa ‘sentro ng pananampalataya’ ng Simbahan sa lahat ng lugar sa bansa, sa tradiyonal na paraan ngayong taon, sa gitna ng kakulangan ng pisikal na pagdalo ng mga mananampalataya.

Saad ng CBCP, “The celebrations will be simpler this year because of the absence of our faithful but we will make every effort to keep the dignity and solemnity of our celebrations by following the liturgical form by which the Church has entrusted to us these celebrations.”

Ang Misa ngayong araw na tinaguriang ‘Palm Sunday of the Lord’s Passion’ halimbawa ay tuloy pa rin – “sine populo” o sa kakulangan ng kongregasyon, at maaaring sundan sa tv, radyo o Internet ng mga Katoliko, tangan ang kanilang home-made palaspas na babasbasan online o on the air ng pari. Turo ng CBCP, “there is no need for Holy Water to bless the Palm branches!”

Sa Huwebes Santo “only the clergy will be allowed to be inside the Cathedral,” utos ng CBCP. Ang tradisyunal na paghuhugas ng paa ng mga Apostol ay maaaring hindi na ganapin ngayong taon. Bawal na rin daw ang Visita Iglesya dahil mananatiling sarado ang mga Simbahan. Gayunman, ipuprusiyon ang Banal na Sakramento sa buong parokya na dapat antabayanan ng mga tao sa harap ng kanilang mga tahanan na may nakatirik na kandila.

Sa Biyernes Santo, muling iikot ang kura paroko ng lahat ng lugar sa kanyang hurisdiksyon tangan ang Banal ng Krus upang sambahing nakaluhod ng mga mananampalataya, may alay na nakasinding kandila sa labas ng kanilang mga bahay. Wala na ring pagpapahalik sa krus ngayong panahon ng COVID-19 pandemic!

Online rin ang Easter Vigil ngayong enhanced community quarantine (ECQ). Giit ng Simbahan, “In the experience of the pandemic, the resurrection of the Lord is the certainty of our victory!” Kung may bibinyagan daw sa gabi ng vigil, ang mga magulang, ninong at ninang lang ang pahihintulutang pumasok sa dambana. Muling ipuprusiyon ang Santisimo sa mga kalsada pagkatapos ng Misa.

Hinihikayat sa gabi ng Sabado de Gloria na idungaw sa mga bintana o ilagay sa labas ng mga tahanan ang imahen ng Mahal na Birhen, habang dumaraan ang prusisyon, matapos ang Easter Vigil. Ito na, ayon sa CBCP ang masisilbing ‘Salubong’ ngayong taon.

Sa huli, binigyang diin ni CBCP President Archbishop Romulo G. Valles, DD ang pangangalaga sa mga mahihirap na apektado financially ng mahabang quarantine. “Concrete actions must be done in this regard in collaboration with the BEC leaders and communities,” aniya.

Samantala, hinihikayat ng Simbahan ang tanan na patuloy na manalig sa Diyos, na may hawak ng kaligtasan, sa gitna ng pagsubok at krisis na kinakaharap ng buong mundo.

Tonite – Wendys Inhouse Ad