Abante Tonite Interactive

Semana Santa sa panahon ng COVID quarantine

557

Hinimok ng Archdiocese of Manila ang sambayanang Katoliko sa Pilipinas na gunitain ang Semana Santa sa kabila ng pinatutupad na enhanced community quarantine.

Sa kanyang pastoral letter nitong Sabado, sinabi ni Apostolic Administrator of Manila Bishop Broderick Pabillo na malaki ang hamon sa mga Katoliko para obserbahan ang mga tradisyong ginagawa tuwing Semana Santa ngayong mga panahong ito.

Aniya, kakaiba ang Semana Santa ngayong taon dahil hindi maggawa ang Linggo de Palaspas, Pasyon o Pabasa, Senakulo, Chrism Mass, ang Washing of the Feet, Visita Iglesia, Way of the Cross, ang prusisyon ng Santo Entierro, ang Easter Vigil Mass at Salubong.

Magsisimula ang Semana Santa ngayong Linggo de Palaspas at magtatapos ito sa Abril 12 o Pasko ng Pagkabuhay na walang magaganap na aktibidad sa mga simbahan sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Gayunman, sinabi ni Pabillo na hindi dahilan ito para mawala sa atin ang diwa ng Semana Santa.

Kahit wala aniyang palaspas ay maaari nating i-welcome ang Panginoon sa pamamagitan ng paghiling sa Kanya na pumasok sa ating mga tahanan at buhay sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin at pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos.

Magkakaroon din ng Palm Sunday mass sa telebisyon o online at puwedeng ilagay ang mga palaspas sa tabi ng tv o laptop habang nakikinig ng Banal na Misa para mabasbasan ito ng panalangin.

Bilang kapalit naman ng Pasyon at Senakulo, hiniling ni Pabillo ang mga mananampalataya na magbasa ng Bibliya.

“It would be rewarding to read all the four gospels during this week,” ani Pabillo.

Ililipat naman aniya sa ibang petsa ang Chrism Mass Celebration kapag tapos na ang enhanced community quarantine.

Ang Last Supper Mass na gaganapin sa Huwebes Santos ng gabi ay mahalaga aniyang bahagi ng Sacrament ng Holy Eucharist at ng Holy Priesthood kung kaya’t gagawin ito sa Cathedral at sa mga parish church subalit walang ibang taong dadalo.

Sa Biyernes Santo, dahil hindi makakapag-Visita Iglesia, maaaring magdasa sa mga krusipiho sa tahanan,

“It would be good to turn off our electronic gadgets the whole day except to participate in the Veneration of the Cross at 3 o’clock or to listen to the Siete Palabras,” ani Pabillo.

Magsama-sama aniya sa Easter Vigil celebration online sa gabi ng Sabado. (PNA)

Tonite – Wendys Inhouse Ad