Abante Tonite Interactive

Sementeryo tahanan ng mga patay at buhay

244

Ilang araw na lang at nakatakdang gunitain ng mga Pilipino, partikular ng mga Katoliko ang Undas o Todos Los Santos kung saan aasahan ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo.


Ngayon pa lamang ay marami na ang mga naglilinis sa paligid ng mga puntod ng mga kaanak o pamilyang nakalibing sa mga sementeryo para pagda­ting ng mismong araw ng Undas ay maaliwalas at maayos ang bibisitahing libingan.


Pero sa mga pangu­nahing lungsod sa bansa, hindi lamang mga puntod ng mga patay ang pinagtutuunan ng pansin ng mga local executive kundi ang mga buhay na ­ginawang tahanan ang mga bakanteng bahagi ng mga sementeryo.


Problema ng mga lokal na pamahalaan kung paano mapaalis ang mga informal settler na nagkanlong sa mga sementeryo lalo na kapag dumarating ang panahon ng Undas, habang ang iba ay marahas na pinapalayas at ginigiba ang kanilang itinayong mga kanlungan.
Ilang mga administrasyon na ang nakalipas subalit hindi napansin ang problemang ito ng mga maliliit na Pilipinong walang pagpipilian kundi ang ­tumira sa mga sementer­yo dahil sa matinding kahirapan.


Bagama’t mayroong programa noon ang Department of Social Welfare and  Development (DSWD) para sa mga informal ­settler at mayroon pang pondong pang-renta ng pansamantalang tirahan, hindi kasama ang mga nakatira sa  sementeryo dahil ang sakop lamang ng programa ng gobyerno noon ay yaong  mga nakatira sa gilid ng mga ilog, ilalim ng estero at mga peligrosong  lugar.


Tila nakalimutan ng gobyerno ang mga mahihirap na Pilipinong nakatira sa mga sementeryo dahil walang kongkretong programa ang mga lokal na pamahalaan para sa mga ito.


Ayon kay Aling Nene na matagal ng nakatira sa isa sa mga sementeryo sa Metro Manila, sanay na silang itinataboy ng mga taga-city hall sa tuwing sumasapit ang panahon ng Todos Los Santos at para walang gulo ay sumusunod na lamang sila at nakikisilong sa mga gusali pagdating ng gabi ng hanggang isang linggo, at saka muling babalik sa kanlungan nilang semen­teryo kapag tapos na ang panahon ng Undas.


Panawagan ni Aling Nene at iba pang kapitbahay sa tinitirhang sementeryo, sana ay mapansin sila ni Pangulong Rodrigo Duterte at magkaroon ng programa para sa kanila para naman makaalis na sila sa tahanan ng mga patay.