Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Senado binara ex-DBM usec sa face mask: `Di kami bobo sa tongpats!

0 121

Hindi kinagat ni Senate Majority Leader Migz Zubiri ang paliwanag ng isang dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa mga kinukuwestiyong presyo ng mga face mask at face shield na binili ng pamahalaan ngayong pandemya.

Nauna rito, sinabi ni Senador Franklin Drilon na batay sa Commission on Audit (COA) report, bumili ang DBM Procurement Service ng 113,904,000 piraso ng face mask mula sa iba’t ibang supplier sa napakataas na presyo kung saan umabot pa ito ng P27.72 bawat isa. Aniya, mataas ito ng P2 hanggang P5 sa suggested retail price ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Drilon, sa kabuuan ay mahigit P1 bilyon ang ginastos ng pamahalaan sa pagbili ng mga face mask na kung bibilhin aniya batay sa P5 SRP ng DOH ay aabot lamang ng 569.52 milyon.

Humarap naman sa Laging Handa public briefing si dating DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao na idinawit sa umano’ý overpriced face mask at face shield at iginiit na dumaan umano sa bidding process ang kanilang transaksiyon.

Giit pa ni Lao na noong binili ng Procurement Service ng DBM ang mga face mask sa halagang P27 at face shield sa P120 bawat isa ay ito ang pinakamura ng mga panahong iyon.

“Sagot palagi ng mga taong walang maisagot. Magkano ang face mask? 30 each, tapos 120 ang face shield saan nila nabili `yon? Tama po siya wala pa masyadong face mask at face shield dito kaya mahal pero binili nila ito sa China, napakamura ng kagamitan diyan,” reaksyon ni Zubiri sa isang panayam sa radyo nitong Sabado.

Mauunawaan pa aniya nila kung sa Pilipinas binili ang mga face mask at face shield. Titingnan umano nito ang mga dokumento kung binili ang mga ito sa China.

“Kung ini-import sa China napakamura nun, may mga contact ako sa China, at that time mask were very cheap. Let us look further ano nangyari, `di ako makapaniwala. `Di naman kami bobo, we can find out let us look prevailing price that time,” dagdag ni Zubiri. (Dindo Matining/Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.