Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Senado binira palakasan sa COVID bakuna

0 258

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa mga lokal na opisyal na huwag pairalin ang palakasan system at siguruhin muna ang pagbakuna ng mga health care worker, senior citizen at person with comorbidity.

Ayon kay Gatchalian, hindi dapat tularan ng ibang local government unit (LGU) ang mga napabalitang mga opisyal ng gobyerno at artista na nauna nang nagpabakuna kaysa sa mga nasa priority list ng vaccination program ng pamahalaan.

“Nauunawaan ko ang papel na ginagampanan ng mga lokal na opisyal. Ako man ay may mga kamag-anak na naninilbihan sa local level ngunit sa panahon ng pandemya, mas kailangan natin ang mga health care worker,” sabi nito.

“Sakaling magkasakit o mabawasan ang mga medical frontliner, mapipilayan tayo. Hindi naman puwedeng gumamot ang mga mayor at governor kung nabigyan na sila ng bakuna,” dagdag pa ng senador.

Ipinunto ni Gatchalian kung gaano kasensitibo ang kasalukuyang sitwasyon kung saan ang limitadong suplay ng bakuna ay pinalala pa ng tumataas na bilang ng mga bagong kaso ng nagka-COVID kaya’t importante na ang nasa prayoridad ng vaccination program ay masunod.

SM food to go Banner Ad

Sabi pa nito, 1.5 milyon ang bilang ng mga medical frontliner sa buong bansa na kailangang mabakunahan sa lalong madaling panahon at batay sa pagtatala, noong Marso 23, 2021 ay umaabot pa lang sa 508,332 ang kabuuang bilang ng mga nabigyan ng unang dose ng bakuna sa kanilang hanay.

Mula sa naunang kategoryang B3 na kinabibilangan ng iba pang essential workers, inanunsyo kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Malacañang na itinaas na sa kategoryang A4 ang mga governor, mayor at barangay captain kasama ng iba pang grupo ng frontline personnel katulad ng mga uniformed personnel na ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ay may mahalagang ginagampanan tuwing hinihigpitan ang quarantine.

Sa pagtatala ng DILG, nasa 1,715 ang bilang ng mga governor at mayor sa buong bansa samantalang nasa 42,046 ang bilang ng mga barangay captain na kasama na sa A4 classification.

“Pagdating naman ng July, ‘pag dumagsa na ‘yong vaccines, kahit mauna na ‘yong mga mayor, governor, at barangay leaders. Palakasan kasi ang nangyayari rito sa atin. Habang kulang pa ang suplay ng bakuna, unahin na muna natin ang medical frontliners,” pagtatapos ni Gatchalian. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.