Senado bow sa wish ng Palasyo sa Boracay
Ipapaubaya na ng Senado sa Malacañang ang desisyon kung ipasasara ang isla ng Boracay.
Ayon kay Senate Committee on Environment and Natural Resources chairperson Cynthia Villar, hindi na nila tatalakayin sa kanilang mga susunod na hearing ang isyu ng pagpapasara sa isla dahil malinaw naman anya na ang Ehekutibo lamang ang masusunod sa usapin.
Magpopokus na anya ang kanilang pagdinig sa pagbalangkas ng mga panukala para mas mabantayan ang isla at hindi na maulit ang pagsasalaula sa lugar.

“Ang hearing namin is not whether to open or close Boracay because it’s obvious that the executive will decide what they will do with Boracay,” saad ni Villar.
Isa na anya rito ang pagbuo ng Boracay Administration na mamamahala sa isla at pagpapabigat ng parusa sa mga lalabag sa mga panuntuna sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa paniniwala ng senador, kung isasara ang isla, maapektuhan ang ekonomiya ng Region 6 o maging ang mga lalawigan malapit sa Boracay pero hindi naman ito makapagpapababa nang husto sa ekonomiya ng buong bansa.