Abante Tonite Interactive

Senado hindi puwedeng utusan ng Malacañang

By
565

Isang malaking kaibahan ng Senado sa mababang kapulungan ng Kongreso ay ang usapin sa pagsunod sa nais na direksiyon ng Malacañang o mula mismo sa Pangulo ng bansa.

Sa usapin ng impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay inamin ni Presidential Spokesman Harry Roque na isang kautusan na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ­kongresista na agad na ipa-impeach sa lalong madaling panahon ang Chief Justice.

Ayon kay Roque, bilang chairman ng administration party PDP-Laban si Pa­ngulong Duterte ay maaari nyang utusan ang mga mi­yembro ng partido na agad ng desisyunan ang impeachment case ng Punong Mahistrado.

Pero sa Senado ay may malaking kaiba­han dahil hindi naman lahat ng senador ay kasapi ng PDP-Laban bagama’t marami dito ay kasapi ng mayorya na sumusuporta sa kasaluku­yang administrasyon.

Ang ating pana­naw sa Senado ay batay na rin sa mga nakaraang aksyon ng mga ito sa bawat usapin sa mataas na kapulungan hindi lamang sa usapin mga panukalang batas kundi sa pagsisilbi bilang impeachment court ito.

Kaya naman nais ni CJ Sereno na tapusin na sa House of Representatives ang impeachment case at agad nang iak­yat sa Seando.

Naniniwala kasi ang Punong Mahistrado mabibigyan siya ng patas na pagkakataon sa Senado.

Batay sa kasaysa­yan ng Senado ay depende sa takbo ng pag­lilitis ng impeachment court ang magiging hatol ng mga ito at ang isa sa mahalaga dito ay ang persepsiyon at paniniwala ng publiko.

Kaya mahalaga na maipakita ng mga abogado ni CJ Sereno­ na walang basehan ang impeachment case ng mga kongresista upang may pag-asa itong maabsuwelto.

Pero abangan pa rin nating lahat kung magbabago ang kasaysayan ng Senado at kung matutulad na rin ito sa Kamara. Na ang persepsiyon ng publiko ay sunud-sunuran sa dikta ng Malacañang.