Abante Tonite Interactive

Senado kay Guerrero: Kalakaran sa BOC aralin para ‘di malusutan

By
0 249

Tiwala ang ilang senador na seryoso si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa layuning linisin ang ahensiya sa mga katiwalian at may ibang nagbigay pa ng suhestiyon kung ano ang dapat nitong gawin sa bagong puwesto.

Kasunod ito ng babala ni Guerrero sa mga tauhan ng BOC na gagamitin ang lahat ng kanyang kapangyarihan upang palayasin ang mga tiwali sa ahensiya.

“It’s the first time I’ve heard a Customs Commissioner with that kind of a manifestation. He sounds very serious,” ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Umaasa rin sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na magtatagumpay si Guerrero sa kanyang mithiin.

Sinabi ni Recto na matindi ang hamon kay Guerrero habang iginiit ni Escudero na dapat pag-aralan ng opisyal ang bawat kalakaran sa BOC upang hindi rin siya mapaikot ng mga tauhan.

“I wish him well and will hold him to his word. I just hope that he learns the ins and outs of the BOC so that these so called corrupt officials won’t simply run circles around him. He must be able to match his good intentions with competence in his new position,” pahayag ni Escudero.

Para naman kay Minority bloc member Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, magiging matagumpay ang kampanya ni Guerrero kung susuportahan ito ng Malacañang subalit ang tanong na lamang anya ay kung seryoso ang Palasyo na sugpuin ang sindikato ng droga na nasa likod ng ilang ulit na pagpuslit ng tone-toneladang shabu sa BOC.