Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Senado nanaig sa tapyas pork importation

0 251

Sumang-ayon umano ang gobyerno na bawasan ang pork importation sa 254, 210 tonelada mula sa naunang rekomendasyon na 404,000MT, ayon kay Senate President Vicente `Tito’ Sotto III.

Matatandaan na inisyal na plano ng pamahalaan na itaas ang minimum access volume (MAV) ng mga imported na baboy sa 404,000MT subalit mariin itong kinontra ng mga senador at mga magbababoy sa bansa.

Bukod diyan, kinumpirma rin Sotto sa Abante TONITE na sumang-ayon ang gobyerno na itaas ang tariff rate sa mga imported pork.

Samantala, nabatid din sa Department of Agriculture (DA) kahapon na pumayag na umano ang economic team na babaan ang dami ng papasok na imported pork sa bansa na mas mababa ang taripa at bawasan ang kinaltas na buwis dito sa ilalim ng Executive Order No. 128 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa DA, inirekomenda na ng economic team na ibaba na lamang sa 10% imbis na 5% sa ilalim ng EO No. 128 ang tinatawag na in-quota tariff ng imported pork.

Ang in-quota tariff ang mas mababang buwis na sinisingil sa mga pumapasok sa ilalim ng minimum access volume (MAV) na mekanismo na nasa 30% bago pinakialaman ng economic team ni Pangulong Duterte ngayong taon.

Sabi ng DA, ibababa rin ang inirekomenda nitong MAV sa baboy sa 254,210 tonelada mula sa 404,000 tonelada na hinihingi ni Pangulong Duterte sa Kongreso. Ang MAV ng baboy ay nasa 54,000 tonelada.

Sabi ni Agriculture Secretary William Dar, isusumite niya ang bagong taripa sa National Economic and Development Authority (NEDA) Board na siyang magbibigay ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.