Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Senado pasaklolo sa NBI kay Mago

0 89

Buhay pa ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na kumanta sa Senate Blue Ribbon committee noong Biyernes at iniulat na nawawala, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

Base sa nakuhang impormasyon ni Hontiveros, ligtas naman si Krizle Grace Mago, head ng Regulatory Affairs ng Pharmally pero nangangamba ito na posibleng buweltahan ito dahil sa pagsiwalat niya hinggil sa pandaraya ng kompanya.

“Hindi pa siya kumo-contact ulit sa amin sa Senate Blue Ribbon Committee pero patuloy ‘yung aming pag-reach out sa kanya. Ang alam namin ay in communication pa rin siya sa ibang grupo at indibidwal,” sabi ni Hontiveros sa panayam ng ANC.

“Ligtas pa rin siya hanggang sa puntong ito, pero gusto ko ipaalam sa kanya concerned din ako sa kanyang kaligtasan,” dagdag pa nito.

Sa pagdinig noong Biyernes, inamin ni Mago na siya ang nag-utos sa mga warehouse staff na baguhin ang expiry date ng face shield na dinala nila sa Department of Health (DOH).

Dahil hindi mahagilap si Mago, hiniling ng Senate Blue Ribbon committee sa National­ Bureau of Investigation (NBI) na tulungan silang hanapin si Mago.

“The chairman and the committee [are] worried as to the safety of Ms. Mago of Pharmally Pharmaceutical Corporation, a resource person in our investigation, after her damaging testimony against probable co-conspirators,” ayon sa liham na pinadala ng komite.

Duda naman ang Malacañang na tatayo sa korte ang isiniwalat ni Mago.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kailangang may ebidensiyang magpapatunay sa naging pahayag ni Mago sa Senado at hindi puro salita lamang.

Ibinida ng kalihim na isa sa mga natutu­nan niya bilang abogado ay dapat may ebidensiya ang mga testimonya para mas mapatibay ito sakaling idulog sa korte.

Kinuwestiyon naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability nitong Lunes kung nae-expire ang mga face shield na binili ng gobyerno.

“Itong face shield hindi naman napapanis ‘to…. May I know meron bang expiration date ang face shield?” tanong ni Pimentel.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na ang medical grade face shield ay mayroong shelf life na 36 buwan dahil maaaring maging pulbos ang bahagi nito na gawa sa styrofoam. (Dindo Matining/Billy Begas/Aileen Taliping/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.