Abante Tonite Interactive

Senador kursunada pa lang ang ahensya pero pumapapel na

By
1,529

Inaawit ng isang senador kay Pang. Duterte na ibigay sa kanya ang kursunada niyang ahensya pagkatapos ng kanyang termino sa 2019.

Pero ang petmalu rito, ayon sa aking bubwit, nagmamando na ang senador sa mga opisyal ng ahensya kahit hindi pa malinaw na itatalaga siya ng Presidente sa nasabing kagawaran.

Ayon sa aking bubwit, ipinatawag ng senador ang matataas na opisyal ng ahensya at kina­usap tungkol sa mga gusto niyang gawin sa kagawaran dahilan para malito naman ang opisyales dahil mayroon naman silang OIC na namamahala ngayon sa departamento.

Malaking ahensya ang nilalambing ng senador na ipaubaya sa kanya ng Presidente kapag natapos na ang kanyang termino sa Senado sa isang taon. Importante ang ahensyang ito na pinipila­han ng mga kababa­yan nating tag-hirap ang buhay.

Ang petmalu na senador kasi, nagparamdam na agad sa mga opisyal ng ahensya kahit wala pa namang pangakong ilalagay siya sa kursunada niyang ahensya, maliban na lang siguro kung talagang ok na o ‘in the bag’ na ‘ika nga.

Kontrobersyal ang senador na ito mga pare ko at misis dahil dawit din ito sa kontrobersyal na ‘pork barrel fund scam’ ni Janet Lim Napoles pero hindi nakasuhan ng nagdaang admi­nistrasyon.

Alam n’yo kung bakit? Ayon sa ­aking bubwit, nag-iiyak ang senador na ito sa ­‘inner circle’ ni dating Pang. Noynoy Aquino kaya ayun, mukhang umepek naman at hindi siya kasama sa mga kinasuhan sa pork barrel fund scam, ‘di gaya ng iba, at ngayon ay may nakakulong pang senador dahil sa kontrobersya.

Ang ahensyang nilalambing ng senador kay Pang. Duterte pero ngayon pa lang ay ‘pumapapel’ na siya at nagpaparamdam sa mga opisyal ng kagawaran ay ang tanggapang abala sa pagtulong sa mahihirap kasunod ng ‘TRAIN’ Law na Department of Social Welfare and Development (DSWD).