Abante Tonite Interactive

Senadora Risa Hontiveros Kampeon ng Masa

484

Ni: Issa M. Santiago

Maagang naging responsable si Senadora Risa Hontiveros dahil high school student pa lang nang magsimula siyang magtrabaho.

Ikinaaliw ng mga manonood ng ‘Walang Atrasan’ show ng Abante nang malaman na si Hontiveros ang nagbigay-boses sa bida ng Japanese animation na ‘Candy Candy’ na si Candice ‘Candy’ White Andrew. Naging working student din siya at scholar noong college.

Lingid sa kaalaman ng iba, isang mahusay na mamamahayag si Hontiveros. Nagsimula siyang magtrabaho sa broadcasting at nag-co-host kay Butch Abad sa Street Pulse.

Ilang taon siyang nagpatuloy sa broadcasting matapos ay nagsimulang maging full-time community organizer sa mga magsasaka at mangingisda sa Punta, Jalajala, Rizal.

Naging full-time din siya sa Coalition for Peace at kalaunan naging miyembro ng Government Negotiating Panel for Communist Party of the Phili­ppines at noong mga taon na iyon, nagsimula na siyang maging founding member ng Akbayan Party-list.

First love ni Hontiveros ang music and theatre. Sa katunayan, naging bahagi siya ng ‘The Sound of Music’ sa teatro noong 1980. Dream come true na nakasama niya noon sina Lea Salonga at Monique Romero maging ang magkapatid na Lauchengco kung saan sila ang naging magkakapatid na Von Trapp.

Sa kasalukuyan, isa siya sa magagaling na mambabatas matapos manalo noong 2016 election.

Ospital lugar ng pagamutan, hindi kulungan

Matapos maipasa at palakasin ang Anti-Hospital Deposit Law, inihain naman sa 18th Congress ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1937 o ang ‘Anti-Hospital Detention Law’.

Naniniwala ang senadora na ang mga ospital ay lugar ng pagamutan at hindi kulungan.

Sakaling maging batas, magtatatag ng Anti-Hospital Detention Fund na siyang sasagot sa mga bill at balanse na hindi mabayaran lalo na ng mahihirap.

Sa kasalukuyang kalakaran, kapag hindi ka makapag-promissory note na may collateral, made-detain sa ospital ang pasyente lalo na kapag namatayan, hindi mailalabas ang katawan ng mahal mo sa buhay.

Pero sa Anti-Hospital Detention Law, kapag nalagay sa naturang sitwas­yon, basta may promissory note na nagmula sa SSS at GSIS kung saan mi­yembro ang pasyente, o nagmula sa PhilHealth at DSWD, ito ang sasagot para makauwi na ang pasyente o mailibing na.

Sa ilalim ng panukalang batas na ito, papatawan ng mas mataas na parusa ang mga lalabag na mga ospital na aabot sa P1 milyon at pagkakakulong ng hanggang anim na taon.

Public Health Approach kaysa War on Drugs

Naniniwala si Hontiveros na may alternatibong paraan para sa problema ng droga sa bansa. Ito ang Public Health Approach para sa problematic drug use dahil isang mental health concern ang drug addiction na dapat gamutin.
Sa kabila na kailangang mabigyan ng hustisya ang biktima, kailangan ding ma-rehab at magamot sa addiction ang suspek.

Dapat din umanong ayusin ang justice system para maipakitang may hustisyang ibibigay sa biktima kaya sa halip na madugong war on drugs, itapat dito ang barangay-based rehab and treatment program.

Isa pa aniya sa paraan para maiwasan ang problema sa iligal na droga ay sagutin ang economic at social condition kung bakit nalululong sa bisyo o addiction ang tao. Aniya, ugat ng lahat ay kahirapan kaya dapat mas masagot ito kaysa magkaroon ng karahasan.

2005 Nobel Prize
Nominee

Bilang chairman ng ­Government Panel’s Reciprocal Working Committee on Socio-Economic Reforms in the Peace Talks sa National Democratic Front mula 1998 hanggang 1999.

‘Best Female Newscaster’

Tinanghal na ‘Best Female Newscaster’ ng KBP Golden Dove Awards noong 1994.