Abante Tonite Interactive

Senatorial bet ng Hugpong nilaglag sa kampanya

3,115

Dinagsa ng higit 30,000 katao mula sa iba’t ibang lugar ng Nueva Ecija ang proclamation rally ng mga senatorial candidate ng Hugpong ng Pagbabago sa Cabanatuan City noong nakaraang linggo.

Pero may ilang nakapansin na tila nilaglag diumano si reelectionist Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel dahil hindi man lang binabanggit ng emcee ang pangalan nito, kahit ang apelyido o palayaw ng mambabatas.

Hindi nakita sa proclamation rally si Pimentel ganundin ang mga kasama nitong reeleksyonista na sina Senador Cynthia Villar at JV Ejercito. Pero paulit-ulit na binabanggit umano ng emcee ang pangalan ng dalawang senador at pinapakita rin ang kanilang pre-recorded visuals at mga mensahe sa mga Novo Ecijano samantalang hindi naman nababanggit si Pimentel.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng Abante Tonite, may utos umano ang isang ­dating gobernador na huwag babanggitin ang pa­ngalan ni Pimentel sa entablado.

Nabatid na ang dating gobernador ay nag-aambisyong makabalik sa kapitolyo ng Nueva Ecija at sinusuportahan umano ni Pimentel ang makakalaban nito sa halalan.

Bilang PDP-Laban president, nag-isyu umano ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) si Pimentel para kay dating General Tinio Mayor Virgilio Bote bilang official gubernatorial bet ng partido sa Nueva Ecija batay umano sa payo ng kanyang deputy chief of staff at kasalukuyang party spokesman na si Ronwald Munsayac.