Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Senglot nagwala, binoga

0 85

Hinihinalang naangasan matapos na nagwala sa kalagitnaan ng inuman kaya binaril at napatay ang isang 37-anyos na lalaki ng ‘di nakilalang suspek sa loob ng kanilang bahay sa Tanza, Cavite, Linggo ng madaling-araw.

Tinangkang isalba ang buhay ng biktima na si Jomel Banton Viaje ng Carissa Homes, Brgy. Punta 1, Tanza, Cavite matapos na isugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital subalit hindi na ito nadugtungan.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas dala ang baril na ginamit.

Sa ulat ni Pat. John Paul Cruz ng Tanza Police Station, bago naganap ang insidente ay nakipag-inuman ang biktima kasama ang ilang kaibigan sa hindi binanggit na lugar subalit nang nalasing na siya ay nagalit umano at nagwala.

Matapos ang inuman ay umuwi si Viaje sa kanilang bahay sa Carissa Homes nang sumulpot ang ‘di nakilalang salarin dakong alas-3:00 kahapon ng madaling-araw at walang sabi-sabing pinagbabaril ang nauna.

Isinugod ng mga rumespondeng barangay official ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan ang pagbaril sa kanya sa pagwawala nito sa inuman.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang pulisya sa ikadarakip ng suspek. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.