Abante Tonite Interactive

Senglot nanaksak ng pulis, binaril

450

Patay ang isang nagwawalang lasing matapos itong mabaril ng sinaksak niyang pulis na umaawat sa isang kaguluhan sa Barangay Mamatid, Cabuyao City, Laguna kamakalawa.

Nasawi habang dinadala sa ospital ang suspek na si Lerry Faulmino y Enriquez, 28, dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan.

Isinugod naman sa Holy Rosary Hospital sa Brgy. Sala, Cabuyao City ang nakabaril na pulis na si Patrolman Abner Tiangan, DEU operative ng Cabuyao PNP.

Sa report ng Cabuyao police, papauwi na sa bahay galing sa presinto ang pulis nang madaanan nito ang lasing na suspek at ang kapatid nito na si Amando Faulmino na binubugbog umano ang 21-anyos na si Junrelle Ventura y Laguerder, alas-2:45 nang madaling-araw.

Agad sumaklolo ang pulis subalit sinugod ito ng suspek at inundayan ng tatlong saksak na tumama sa tiyan.

Dahil dito’y gumanti ng putok ang pulis at tinamaan ang suspek.

Tumagos ang bala sa katawan at tumama rin sa live-in partner ng suspek na si Rebecca Tipan, na umaawat dito.

Nahagip din ng saksak ng suspek ang kapatid nitong si Armando. (Ronilo Dagos)