Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Senior citizen na sapul kay `Rolly’ hinirit unahin

0 202

Hinirit sa pamahalaan ng isang mambabatas na iprayoridad sa aayudahan ang mga nakakatanda na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Rolly.

Ayon kay Senior Citizen partylist Congressman Rodolfo Ordanes, nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Social Welfare and Development at Department of Health para agarang tugunan ang pangangailangan ng mga senior sa Bicol Region, Calabarzon, Metro Manila at Central Luzon.

“Tinutukan ko sa telebisyon, radyo at social media ang mga pangyayari at tunay naman na nakakapanlumo. Mga bahay na natabunan ng putik, mga tao na kinailangan nang umakyat sa bubungan para makaligtas sa rumaragasang baha, mga napinsalang bahay at nasirang ari-arian,” sabi ni Ordanes.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sinabi ng mambabatas na nakasaad sa Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, prayoridad na mabigyan tulong ang mga nakakatanda partikular na ang mga gamot, pagkain.

“Hindi man tayo magkakasama pero nararamdaman ko ang paghihirap at bigat ng inyong kalooban. Walang makakatanggi sa kahalagahan ninyo sa ating lipunan, ang dunong at karanasan na inyong naibahagi ay nagsisilbing gabay ng mga sumunod na henerasyon,” mensahe ni Ordanes sa mga senior.

Una nang sumulat si Ordanes kay Pangulong Duterte para payagan na rin makalabas ang mga ‘senior’ na nasa edad hanggang 70 pagsapit ng Disyembre.

“Sana sa pagsapit ng Disyembre o mas maaga pa, payagan na ang mga seniors up to 70 years old na lumabas ng kanilang mga tahanan para makabili ng gamot sa botika, makabili ng pagkain at inumin, makapagsimba, at makita ang mga anak, apo, pamangkin, at inaanak,” katwiran ng mambabatas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.