Abante Tonite Interactive

Senior citizen nakulong sa rape, nag-suicide

361

Isang senior citizen na nahaharap sa kasong panggagahasa sa isang 7-anyos na paslit ang nag-suicide sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikatlong palapag ng Manila City Hall nitong Miyerkoles ng hapon.

Idineklarang dead-on-arrival sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang biktima na kinilalang si Ricardo Reyes y Abalos, 66-anyos, na nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang ulo.

Ayon sa Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), naganap ang insidente dakong alas-2:45 nang hapon bago iharap ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.

Bigla na lamang umanong tumakbo papuntang bintana at saka tumalon ang suspek na una ang ulong bumulusok.

Nalaman na inaresto kamakalawa nang hapon ang suspek matapos ireklamo ng mga magulang ng paslit na kanyang minolestiya.

Idineklarang patay na ang biktima dakong alas-3:07 nang hapon. (Juliet de Loza-Cudia)