Abante Tonite Interactive

Senior citizen natagpuang patay sa bahay

0 530

Dahil sa masangsang na amoy kaya nadiskubre ang pagkamatay ng 59-anyos na dalaga sa loob ng kanyang bahay sa Bacoor City, Cavite.

Hinihinalang may ilang araw ng patay ang biktimang si Nenita Cuesta, ng Brgy. Real 2, Bacoor City Cavite.

Sa ulat ni Corporal Fidel Quirejero III ng Bacoor City Police Station, dakong alas-otso kamakalawa ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay.

Nauna dito, magkakasunod na tatlong araw na nakaamoy ng masangsang ang ilang kapitbahay ng biktima at ipinagtataka rin ng mga ito dahil ilang araw na rin nilang hindi nakikita si Cuesta dahilan upang ipagbigay-alam nila sa pamangkin nitong si Joel Ortola, na residente ng parehong barangay.

Kasama ni Ortola ang ilang barangay tanod at ilang beses na kinatok ang bahay ni Cuesta subalit walang sumasagot dahilan upang sirain nila ang pinto ng kanyang bahay kung saan tumambad ang nakahigang katawan ng biktima.

Naniniwala ang imbestigador na walang forcible entry na naganap dahil intact ang mga gamit sa bahay.

Inaalam pa kung anongvdahilan ng pagkamatay ng biktima. (Gene Adsuara)

Tonite – Wendys Inhouse Ad